TAPOS NA ANG boksing, sabi nga, matapos na lumabas bilang mga nagwagi sina Senador Benigno “Noynoy” Aquino III at Makati Mayor Jejomar Binay sa kauna-unang automated elections sa bansa.
Nakakuha ng pinakamaraming boto sina Aquino at Binay para sa pagka-presidente at pagka-bise-presidente, ayon sa pagkakasunod, kahapon nang matapos ng Kongreso na umuupo bilang National Board of Canvassers ang pagkakambas sa 278 certificate of votes makalipas ang walong araw.
Inihanda na ng joint comitte ang report para sa pag-apruba ng mga mambabatas sa muling pagbubukas ng joint session sa ganap na alas-2 ng hapon ngayong Miyerkules para maiproklama na sina Aquino at Binay.
Nakakuha ng kabuuang 15,208,678 boto si Aquino kontra sa pinakamalapit na katunggali na si dating pangulong Joseph Estrada na nakuha naman ng 9,487,837 boto, o kalamangang 5,720,841 boto.
Pumangatlo naman si Senador Manuel Villar na may 5,573,835 boto, na sinusundan nina Gilbert Teodoro na may 4,095,839 boto, Eduardo Villanueva sa 1,125,878 boto, Senador Richard Gordon sa 501,727 boto, nadiskuwalipikang kandidato na Vetallano Acosta na may 181,985 votes, Senador Ma. Ana Consuelo “Jamby” Madrigal na may 46,489 votes, Nicanor Pelas na may 54,575 boto, at JC Delos Reyes na may 44,244 boto.
Naging gitgitan naman ang laban sa pagka-bise-presidente sa pagitan nina Binay at Senador Manuel “Mar” Roxas II sa buong canvassing sa Kongreso.
Pero napagwagian pa rin ni Binay ang laban kung saan nakakuha siya ng malaking bilang ng mga boto mula sa Cavite, Bulacan, Laguna, Batangas, Makati City, at sa ilang probinsiya sa Mindanao na nagbigay sa kanya ng kalamangang 727,084 boto kontra Roxas.
Sa pinal na tally, nakakuha si Binay ng 14,645,574 boto laban sa 13,918,490 botong nakuha ni Roxas.
Pumangatlo naman si Senador Loren Legarda na may 4,294,664 boto, na sinundan nina Bayani Fernando na may 1,017,631 votes; Edu Manzano na may 807,728 boto; Perfecto Yasay – 364,652; Jay Sonza – 64,230; at Dominador Chipeco – 52,562 boto. (Parazzi Reportorial Team)
Pinoy Parazzi News Service