Noynoying at Panganiban ng Pergalan

ITINIGIL NA ng mga kabataang aktibista ang pagsasagawa ng “planking” sa mga kalsada sa tuwing sila ay may demonstrasyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Benigno “P-Noy” Aquino.

Ang planking, parekoy ay ang pag-hihiga sa mga kalsada ng nasabing mga demonstrador upang makuha ang atensiyon ng taumbayan.

At higit sa lahat ay upang maipa-rating sa Palasyo ang kanilang mga karaingan.

Ang siste, napaghandaan na ng mga alagad ng batas, lalo na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kung ano ang kanilang gagawin upang mapigilan ang nasabing “planking”.

Op kors, parekoy, nakakaperhuwisyo nga naman sa mga sasakyang dumaraan at sa commuters itong “planking” na ginaya ng mga aktibista mula sa ibang bansa.

Kaya naman ang solusyon ng mga alagad ng batas ay kanilang bubuhatin ang sinumang magsasagawa ng “planking”.

Pero nagulat, parekoy, ang mga ala-gad ng batas dahil sa halip na “planking” ay NOYNOYING ang isinagawa ng nasabing mga aktibista!

He, he, he, gulantang ang grupo nina MMDA Chairman Francis Tolentino dahil hindi nila alam kung ano ang dapat nilang solusyon dito sa NOYNOYING!

Ang “Noynoying” na ipinakita nitong mga kabataang aktibista ay ang pag-upo o higa sa isang panig ng kalsada kung saan nagpo-portray na parang wala silang ginagawa, wala silang magawa at higit sa lahat ay para bagang wala silang pakialam sa kapaligiran!

At kaya nila ito tinawag na “Noynoying” dahil halos ganito umano ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy na walang ginagawa, walang magawa at/o walang pakialam sa problemang humahambalos sa ating bansa!

Oo nga naman, parekoy, halos nilalamukos na tayo ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na naging sanhi ng pagtaasan ng mga pangunahing bilihin.

Pero mistulang walang ginagawa, walang magawa at walang pakialam ang administrasyon ni Noynoy!

Kayo na, parekoy, ang humusga kung ang “Noynoying” ang kahalintulad nga ng pamahalaan ni Noynoy.

Mabuhay ang NOYNOYING!!!

TALAGANG MATINDI ang kamandag nitong si alyas Baby Panganiban na kasalukuyang gumagala sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Si Panganiban, parekoy, ay nauna nang naiulat na komukulekta sa mga pergalan (peryahang  front ng sugalan) linggu-linggo.

Ang nasabing halaga ay para umano sa ilang taga-media upang hindi kalampagin ang nasabing mga pergalan.

Kaya nga kaagad tayong nanawagan sa mga taga-media na maaari nilang ipasuri rito sa nasabing mga pergalan sa Calabarzon baka ang kanilang mga pangalan ay kasama sa ipinangungulekta nitong si Panganiban.

At kaya tayo naniniwala, parekoy, na matindi nga ang kamandag nitong si Panganiban dahil hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang collection nito sa diumano ay media connect para sa pergalan.

Hanga ako sa iyo alyas Baby Pa-nganiban! P’we!!!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSa kabila ng kaliwa’t kanang intriga Piolo Pascual, tanggap pa rin ng fans!
Next articleSa naabot na tagumpay sa showbiz Julia Montes, ‘di tutulad sa kabataang artistang maagang nagloko o nagpabuntis!

No posts to display