NPC, Lolokohin ng EPD at Panganiban ng Pergalan

TALAGANG MATINDI ang kamandag nitong si alyas Baby Panganiban na kasalukuyang  gumagala sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Si Panganiban, parekoy, ay nauna nang naiulat na komukulekta sa mga pergalan (peryahang  front ng sugalan) linggu-linggo.

Ang nasabing halaga ay para umano sa ilang taga-media upang hindi kalampagin ang nasabing mga pergalan.

Kaya nga kaagad tayong nanawagan sa mga taga-media na maaari nilang ipasuri rito sa nasabing mga pergalan sa Calabarzon baka ang kanilang mga pa-ngalan ay kasama sa ipinangungulekta nitong si Panganiban.

At kaya tayo naniniwala, parekoy, na matindi nga ang kamandag nitong si Panganiban dahil hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang collection nito sa diumano ay media connect para sa pergalan.

Hanga ako sa iyo alyas Baby Pa-nganiban! P’we!!!

MALIBAN SA tangka na lokohin ang pamunuan ng National Press Club, wala na akong masilip na ibang lehitimong dahilan ng isang unit ng Eastern Police District sa kanilang pagtawag kay National Press Club (NPC) President at ALAM (Alab ng Mamamahayag) Chairman Jerry Yap, na nahuli na umano nila si Faizal, ang pangunahing suspek sa pamamaril sa reporter ng Daily Tribune na si Fernan Angeles.

Bakit ko nasabi ang bagay na ito?

Una, kung ang layunin ng nasabing police unit ay para sa tinatawag nilang press release, hindi ito angkop.

Dahil ang press release, karaniwan ay sa pamamagitan ng isang written report upang mailagay nila ang kumpletong detalye ng buong operasyon.

Nakalagay rin sa nasabing report kung sinu-sino ang mga pulis na kasali sa panghuhuli.

At kalimitan, parekoy, ay maging ang ilang pulis na wala namang alam sa operasyong naganap ay isinasali na rin ang pangalan…

Para nga naman sa promotion.

‘Yun nga lang ‘pag sumablay, gaya ng naganap sa Kuratong Baleleng case, imbes na sa promotion ay sa asunto sila sumabit! Hak, hak, hak!

Balikan natin, parekoy, ang ginawang pagtawag ng nasabing police unit.

Kung ito ay udyok lamang ng kanilang pagnanais na maipaalam sa pambansang pamunuan o grupo ng mga mamamahayag na nag-effort nga ang mga pulis kaugnay rito sa kaso ng isang mamamahayag, hindi rin maaari.

Dahil sa tinatawag na protocol, dapat ang nakipag-ugnayan sa NPC ay ang tanggapan mismo ng PNP chief, EPD Director’s office o kaya ay ang pamunuan ng Task Group na naatasang lumutas sa nasabing krimen.

Presto! Ang nasabing tawag ay isang panloloko!

Bakit? Sa pagnanais kasi ni Jerry Yap na mabigyang protection ang buhay ng bawat mamamahayag at hustisya sa bawat krimeng ginawa laban sa sinumang media practitioner, kaagad itong nagpahayag na magbibigay siya ng reward money na P100,000.00 para sa agarang ikadarakip sa suspek ng pamamaril kay Fernan Angeles.

At maliwanag pa, parekoy, sa sikat ng araw na ang tinutumbok ng nasabing police unit na tumawag kay Ginoong Jerry Yap ay ang reward money!

Upang ibigay na nga naman ito sa kanilang unit, dahil sila ang nakahuli kay Faizal.

Pero, gaya nga ng nasabi na natin, ito, parekoy, ay maliwanag na isang panloloko.

Dahil alam ng lahat ng pipol op da pilipins na ang suspek na si Faizal ay hindi nahuli ng mga pulis.

Siya ay SUMUKO!!!

Ang reward, parekoy, ay para sa makahuhuli o makapagtuturo para sa ikadarakip ni Faizal!

Hindi sa unit na susukuan ng hinayupak!

Kung sa ganitong kaso na laban sa isang mamamahayag at nakatanghod ang DILG at ang palasyo ng Malakanyang ay kayang gumawa ng kalokohan ng mga demonyong pulis- EPD, paano pa kaya sa ibang kaso?

Sabagay, kaya nga nilang maki-pagsabwatan sa mga drug lord, kaya ang panloloko sa NPC ay hindi nila pag-aalinlanganan.

Sa tema, parekoy, kaya nilang makipag-totnakan kay Satanas!!!

 

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09098992775/ 09166951891.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMga Bagong Patakaran Mula sa Saudi
Next articleKabigha-bighaning Kim

No posts to display