MULING NAGBALIK-STAGE si Nyoy Volante, hindi para sa isang concert, kundi para sa isang musical play, ang Shrek The Musical. Lingid sa kaalaman ng marami, sa theater talaga nagsimula si Nyoy bago s’ya ma-discover bilang profesional singer hanggang sa magkaroon s’ya ng record album.
Pang-sampung musical play na raw ito ng singer, kung saan gumaganap s’ya as Donkey. Kasama rin daw s’ya noon sa Atlantis The Musical dito sa atin. Graduate pala si Nyoy ng isang course na related sa technical side ng stage play hanggang sa tuluyan s’yang napasabak sa pag-arte sa teatro.
“Iba ‘yung high ‘pag nasa theater ka, ‘yung discipline, ‘yung pagod. Nakaka-pitong palit ako ng T-shirt sa pawis sa rehearsals, pero it’s all worth it, kahit mas madali ang mag-perform as singer,” sey ng ex-boyfriend ni Soul Siren Nina.
At bukod kina Dingdong Dantes at Marian Rivera, Senator Chiz Escudero at Heart Evangelista, JC Intal at Bianca Gonzalez, John Prats at Isabel Oli na all engaged na, naghahanda na rin si Nyoy sa pakikipag-isang dibdib sa kanyang girlfriend na stage actress next year.
Kasama rin pala ni Nyoy ang magaling na lead vocalist ng rock band na The Dawn na si Jett Pangan sa nasabing musical bilang si Lord Farquaad na matagal na rin pa lang umaarte sa mga musical play. Si Richard Everley naman ang gumaganap as Shrek na lumabas na pala sa ilang Tagalog movies, kabilang ang Apat Dapat, kung saan asawa s’ya ni Vice Ganda bilang foreign employers sila ni Candy Pangilinan na OFW at napatay nila sa pelikula. Ang gumaganap naman na Princess Fiona ay ang maganda at mahusay na stage actress na si Shiela Valderrama-Martinez.
Kasalukuyang mapapanood ang Shrek The Musical, directed by Bobby Garcia, until october 11, 2014 (Fridays at 8pm, Saturdays at 2pm and 8pm; Sundays at 3pm) at the Meralco Theater. For tickets, you may call Ticketworld at 891-9999.
SINO NGA ba talaga kina Kris Aquino at Alice Dixson ang mas bagay na gumanap kapag tuluyan nang maisapelikula ang interesting life story ni Atty. Persida Acosta, ang chief ng Public Attorneys Office o PAO?
Kahit sa Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman, marami ang gustong mabigyang-buhay nga ang buhay ni Atty. Acosta, kasi marami na rin ang nakami-miss na mapanood siya sa TV, gaya ng clamor sa kanya na tumakbong senador sa 2016 elections. Marami kasi ang naniniwala at bilib sa sipag, dedikasyon at pagiging totoo at tapat n’ya sa kanyang paninilbihan sa mga tao na lumalapit sa kanilang opisina sa PAO.
Pero para kay Atty. Acosta, marami pa s’yang kailangang tapusing mga kaso na inilapit sa kanilang tanggapan na patuloy n’yang ipinaglalaban para makamit nang tuluyan ng mga pobreng biktima ang hustisya na matagal na nilang minimithi, gaya ng sa kaso nila laban sa Sulpicio Lines na nagmamay-ari sa lumubog noon na barkong M/V Princess of the Stars.
Well, kahit wala pa man sa Senado, marami na ang natutulungan ni Atty. Acosta at ng kanyang buong team sa PAO. Kaya sa ngayon, napakalaking tulong sa publiko, lalo na sa kababayan nating mahihirap ang manatili muna ang napakahusay, mabait at makataong abogado ng bayan na talagang madalas ay halos walang tulog sa pagtutok sa mga kasong ipinaglalaban n’ya. Sabi nga n’ya, naniniwala s’ya sa calling, gaya ng calling sa kanya noon ng panginoon na manilbihan sa PAO at makatulong sa kapwa n’ya na naaapi.
Franz 2 U
by Francis Simeon