Obit

UNANG TRABAHO ko sa dating Manila Times ay tagasara ng obituary section. Dekada ‘70. Opis namin ay sa Florentino Torres, Sta. Cruz, Manila. Pagkatapos ng eskuwela sa gabi, tuloy naman ako sa pahayagan para tingnan at i-layout ang obituary notices na ila-lathala kinabukasan.
Kadalasan ako na lang ang naiiwan sa opis upang pamahalaan din ang proofreading ng society section.
Napakagaang trabaho na ‘di nangangailangan ng outstanding na talino sa pagsusulat.
Kadalasan, puno ang daily obit page lalo na ‘pag araw ng Linggo. Sa pahina ito napukaw agad ang aking malalim na pag-iisip sa buhay. Death notices ng mayaman at karaniwang mamamayan ang isinasalansan ko araw-araw. At sa bata pang edad, namulat sa aking puso ang kaiklian at walang kasiguruhang agos ng buhay. Sa takdang minuto o oras, p’wede kang pumanaw sa paraang walang nakaaalam.
Ayon sa isang kasamahan ko, ang ating buhay ay parang mga gamot: may expiry date. Ito’y nakatakda sa bawat nilalang. ‘Pag oras mo na, oras mo na. Expired.
Dahil sa pag-iisip na ito, nagbago ang pananaw at adhikain ko sa buhay. Nawala ang labis na paghahangad, at iwinaksi ang pag-iimbot at galit sa kapwa. Ang buhay ay tulad ng isang dinadampiang hangin sa balikat. Mabilis, nawawala sa isang iglap.
Nakaaawa ang mga taong walang kinikilalang diyos kundi kapangyarihan at salapi. Walang pagsisi sa una; lahat sa huli. Ang tao ay physical at spiritual. Ang physical ay kinakain ng uod pagkamatay. Ang spiritual ay mabubuhay para humarap sa Poong Lumikha at mahusgahan. Ito lang ang puno at buntot ng buhay sa mundong ibabaw.
Hanggang ngayon, nagbabasa pa ako ng obit. At sa pagbabasa, nagkakaroon ako ng ibang uri ng katahimikan at katatagan ng pananampalataya sa kabilang buhay.

SAMUT-SAMOT

SUMAKABILANG-BUHAY KAMAKAILAN ang isang haligi ng film industry, Marilou Diaz-Abaya, 59. Biktima ng breast cancer. Kaliga ni Marilou sina Lino Brocka at Behn Cervantes, sa pagiging director ng quality Filipino movies na hinangaan sa bansa at buong mundo. Laging may social message ang kanyang mga pelikula tungkol sa kahirapan, social injustices at misgovernance. Paborito kong pelikula niya ang “Muro Ami”, buhay ng mga exploited na batang sea divers sa Mindanao starring Cesar Montano. Sa simpleng necrological sa kanya sa Ateneo Chapel, isa-isang nagbigay ng testimonya sa kanyang kagalingan at pagmamahal sa propesyon ang kanyang naging mag-aaral. Kagaya ni Dolphy, si Marilou ay gintong kayamanan ng bansa.

ISA NA namang plunder case ang maaaring isampa ng Senado at Ombudsman kay dating Pangulo GMA. Ito’y ang P347-B bridge project na nabutasan ng maraming anomalya si Sen. Serge Osmeña. Ayon sa senador, ang project ay naiwang nakatiwangwang, ‘di malaman kung saan napunta ang salapi. Ang budget ay katumbas ng isang taong pondo ng DPWH. Wala na bang katapusan ang mga ganitong anomalya sa panahon ni GMA?

NAPAKASIKIP NA ang 3 o 4 na huling slots sa senatorial race. Nakaamba rito ay sina dating Sen. Ramon Magsaysay, Dick Gordon, Jamby Madrigal at former Rep. Cynthia Villar. ‘Wag nating etsa-puwera si Nancy Binay. Kaya ang katulad ni Bam Aquino o Pia Hontiveros ay malabo na ang tsansa. Praktikal na nag-drop out si TESDA Director Joel Villanueva at Ruffy Biazon. Zero tsansa nila.

MAKATI, PASIG at Quezon City – mga siyudad na walang lumaban sa mayoralty incumbents. Ano ang kahulugan nito? Satisfied ang mamamayan sa performance ng incumbents? Sa Pasig City, napakahusay ng performance ni Mayor Bobby Eusebio. Libreng paaral, good basic services delivery at honest governance ang tatak ng kanyang pamamahala. Kaya mahal na mahal siya ng tao. May reservations ako sa pamamahala ni Q.C. Mayor Bistek Bautista. Maraming sumusulpot na anomalya sa siyudad.

MAHIGIT NA 11 coastal towns pa sa Laguna ang lubog sa baha. Ayon kay Laguna Gov. E.R. Ejercito, maaaring abutin pa ng Pasko ang pag-normalize ng sitwasyon. Perennial problem ito sa lalawigan na matutuunan lang ng pansin ‘pag may bagyo. Ugat din nito ang namamatay na Laguna de Bay. Kaila-ngan ang massive dredging para mahukay ang siltation at mabuhay muli ang lawa.

AT THE end of the day, sukatan pa rin ng tagumpay na pamamahala ni P-Noy ay kung naiangat niya ang uri ng buhay ng Pilipino. Facts at figures ay mada-ling ma-manufacture. Subalit ang kalam at hapdi ng tiyan ng milyong mahihirap ay ‘di maitatago. Halos mid-year na si P-Noy sa pamamahala. In fairness, may nagawa na siya lalo na sa pagsugpo ng katiwalian. Subalit kulang pa ang dagan sa problema. Sa mga government offices, grabe pa rin ang red tapes at lagayan. Maaaring sa itaas, nabawasan. Subalit sa ibaba, business as usual.

DOUBLE TIME efforts dapat gawin ni DILG Sec Mar Roxas para ibalik ang pagtitiwala ng tao sa kapulisan. Kung ang verbal efforts ay walang katumbas na aksyon, walang mangyayari. Ganyan ang kultura natin. Ningas-cogon. Ang kabulukan ng kapulisan ay sagad sa buto at laman. Kailangang mag-sample si Roxas. Kung hindi, paiikutan lang siya.

ANG URBAN renewal ay posible pa kaya sa Maynila? Bakit hindi. Ito ang pinag-uusapan kamakailan ni noted urban builder, Arch. Felino Palafox Jr. at dating Pangulong Erap. Sabi ni Erap ay ‘di pa huli ang lahat sa tulong ng mamamayan. Ayon kay Palafox, ang Maynila ay isa na sa pinaka-decadent na lungsod sa buong mundo. Kaya kailangan ay political will ng pamumuno at mamamayan.

GAWIN NA lang tourist spots ang Escolta at Sta. Cruz. Ibalik ang lumang ganda nito. ‘Di na maaaring maging commercial districts dahil mga tao pina-patronize na lang mga malls. Kung magagawa ito ni Erap malaking feather sa kanyang cap.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleReklamo Mula Sa UAE
Next articleSinuntok ng Katrabahong Propesyunal

No posts to display