Obligasyon ng Ama na Bigyan ng Suporta ang Anak

Dear Atty. Acosta,

I HAVE a 5-year-old daughter, pero hindi po kami kasal ng kanyang father. Nagkahiwalay po kami bago mag-2 years old ang bata. Sa panahon pong ‘yon, wala po kahit anong suporta siyang ibinibigay para sa bata. Nag-try po akong humingi sa kanya ng suporta pero lagi po niyang dinadahilan na wala s’yang pera at maliit lang ang sweldo niya bilang Medical Representative ng isang kilalang kumpanya. 3 years ago, nag-try po akong kausapin at humingi ng tulong sa HR ng company kung saan siya nagtatrabaho at sa tulong din po ng kaibigan kong kilalang Atty. nagawa niya po akong tulungan sa paggawa ng petition for support letter. Doon po naka-breakdown lahat ng kailangan ng bata pero wala po akong nakuhang sagot mula sa ama ng bata at nu’ng nag-follow up ako, ang sabi po sa akin ng nakausap ko from their HR Dept. family matter daw po iyon at pinayuhan po akong palakihin ko pong mag-isa ang bata para pride na lang sa sarili ko. Naisip ko na po iyon na papalakihin ko pong mag-isa ang anak ko, at pinipilit ko po iyong gawin hanggang sa ngayon. Pero sa hirap po ng buhay, nagkakaroon po ng time na short ako lalo na ngayong lumalaki na ang bata at pati ang needs niya. Hindi ko na po itinuloy dati ‘yong paghingi ng suporta dahil naisip ko pong wala rin naman po akong perang pambayad sa atty’s fee, sapat lang po kasi sa gastusin para sa bata. Ngayon po gusto ko sanang ipaglaban ang karapatan ng anak ko sa sustentong dapat ibinibigay ng father n’ya. Gusto ko pong mapalaki at mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak ko, sana po matulungan ninyo ako.

Cherry

Dear Cherry,

ANG PAGBIBIGAY ng suporta ng isang ama sa kanyang anak ay isang obligasyong ipinag-uutos ng batas. Nakapaloob sa nasabing suporta ang pagbibigay sa mga pangunahing panga-ngailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pa-ngangailangan. (Articles 194 and 195, Family Code of the Philippines)

Ang pagbibigay ng suporta ay maaaring hingiin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. Subalit ito ay maaring hindi ibigay sa huli hangga’t wala siyang pasabi na kailangan na niya ng suporta. (Article 203, Family Code of the Philippines) Base rito, tama ang ginawa mong pagpapadala ng sulat sa ama ng iyong anak upang obligahin siyang magbigay ng suporta sa kanya. Kung ito ay hindi pinansin ng ama ng iyong anak at binalewala lamang, maaari kang magsampa ng Petition for Support laban sa kanya sa korte.

Maaari ka ring magsampa ng kaukulang kriminal na reklamo para maparusahan ang taong hindi nagbibigay ng suporta. Nariyan ang R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Sinasabi ng batas na ito na ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang uri ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta. (Section 3 (3), RA 7610)

Bukod sa nabanggit na batas, may batas na nagpaparusa sa mga lalaking hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang anak at asawa. Ito ay ang R.A. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”. Ayon sa batas na ito, ang paghinto o hindi pagbibigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa ay isang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung ito ay ginagamit na paraan ng lalaki para piliting gawin o pigilin ang paggawa ng isang bagay na maaaring tanggihan ng babae o kanyang mga anak sapagkat sila ay may legal na basehan para tanggihan ito. Mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas at may karampatang kaparusahan na pagkakulong.

Kaugnay nito, kakailanganin mo ang serbisyo ng isang abogado para tulungan kang magsampa o maghain ng nasabing petisyon o reklamo laban sa ama ng iyong anak.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSenator-Judges
Next articleAin’t Fun Fixing Something Ain’t Broke

No posts to display