Obligasyon sa anak

Dear Atty. Acosta,

MAAARI PO BA akong hu-mingi ng sustento sa ama ng aking anak kahit hindi nakasulat sa birth certificate ng aking anak ang pangalan ng kanyang ama? Single mom po ako. Ang ama ng aking anak ay may pamilya na. Patricia

 

Dear Patricia,

ANG PAGBIBIGAY NG suporta ay isa sa mga obligasyon ng isang magulang sa kanyang mga anak, maging lehitimo man ito o hindi. Kinakailangang ibigay ng magulang, nang naaayon sa kanyang kakayahang magbigay, ang lahat ng kailangan upang mabuhay ang kanyang anak, gaya ng tirahan, kasuotan, medikal na pangangailangan, edukasyon at transportasyon. (Article 194, Family Code of the Philippines)

Makikita sa Article 195 ng Family Code of the Phi-lippines ang mga taong may obligasyong magbigay ng suporta sa bawat isa.

Article 195. Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article: The spouses; Legitimate ascendants and descendants; Parents and their legitimate children and the legitimate illegitimate children of the latter; Parents and their illegitimate children and the legitimate illegitimate children of the latter; and Legitimate brothers and sisters, whether of the full or half blood.

Mapapansing ang mga magulang ay may obligasyong suportahan ang kanyang anak, kahit na ito ay illegitimate. Subalit dahil ang nasabing illegitimate child ay ipinanganak nang ang kanyang mga magulang ay hindi nasasailalim sa bisa ng isang kasal, hindi awtomatiko ang obligasyon ng isang ama sa isang illegitimate child na magbigay ng suporta.

Bago makatanggap ng suporta ang nasabing illegitimate child, kinakailangan muna siyang kilalanin ng kanyang ama bilang isang illegitimate child nito.

Karaniwang isinasagawa ang pagkilalang ito sa pamamagitan ng paglagda ng ama sa birth certificate ng illegitimate child. Sinabi mo sa iyong liham na hindi nakasulat sa birth certificate ng iyong anak ang pangalan ng kanyang ama. Kahit hindi ito naisagawa sa birth certificate maaari pa ring kilalanin ng kanyang ama ang isang illegitimate child sa isang pribadong dokumento.

Bukod sa rekord ng kapanganakan, maaari ring kilalanin ng isang ama ang kanyang illegitimate child sa isang kautusan o desisyon ng hukuman o sa pamamagitan ng isang direktong pagkilala sa isang dokumentong pampubliko o sa isang pribadong dokumento na isinulat at nilagdaan niya gamit ang sariling sulat kamay. Kung wala ang mga naunang nabanggit na ebidensiya, maaari pa ring makita ang pagkilala sa isang illegitimate child sa pamamagitan ng pangkalahatang ginagawa ng ama patungkol sa nasabing illegitimate child, gaya ng pagkatawan nito bilang ama ng bata sa mahabang panahon sa mga mata ng publiko. (Article 172, Family Code of the Philippines)

Kung iyong maipapakita na kinilala ng kanyang ama ang iyong anak bilang illegitimate child nito, maaari kang humingi ng suportang pinansiyal mula rito. Dahil sa ang ama ng iyong anak ay may pamilya na, ang nasabing suporta ay kukuhanin lamang sa sariling ari-arian niya at hindi sa ari-arian at kita ng kanyang pamilya. Sa kabilang banda, kung hindi mo mapapatunayan na kinikilala ng kanyang ama ang iyong anak, ikinalulungkot naming sabihin na hindi ka maaaring humingi ng suportang pinansiyal mula rito.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleIminulat kasi ng young actress… Jason Abalos, muling binuhay ni Jewel Mische?
Next articleModus sa Baclaran

No posts to display