“Obsession to bling”

IMINUNGKAHI NI Senador Miriam Defensor-Santiago na magpasa umano ng resolution na mag-aatas sa mga mambabatas na magsuot ng uniporme o pare-parehas na suot sa taunang State of the Nation Address ng pangulo. Napansin kasi niya ang mga dumadalong opisyales ng gobyerno ay lutang na lutang sa kanilang magagarang kasuotan.

Para sa kanya, ang SONA ay panahon upang ang mga mambabatas ay maunawaaan ang mga polisiya at direksyon ng Pangulong Benigno Simeon Aquino at hindi ituring na parang glamorosong Oscars Awards Night ng Amerika. Sinabi niya na dapat ay simpleng palda lamang na tinernuhan ng short-sleeves na barong.

Bagamat inamin niya na minsan ay isa rin siya sa mga nakikisunod sa ganitong mga paraan ng pagpaparangya. Gayunpaman, ngayon ay pinaalalahanan niya ang mga mambabatas na sa ilalim ng Civil Code, ang hindi pinag-iisipang karangyaan sa anumang mga mahahalagang pagtitipon kung saan ang bansa ay nasa gitna ng masidhing kahirapan, ay maaaring pagbawalan ng korte.

Sa bagay, malaki ang tinurang punto ni Sen. Miriam Defensor Santiago. Bilang isang senadora ay napapansin niya marahil ito, lalo nga naman na totoong nasa gitna tayo ng krisis tungo sa pagreporma ng ating bansa.

Sa katotohanan, hindi naman makikita sa pamamagitan ng magagandang pananamit ang kaunlaran, kundi kung papa’no umukit ng batas at kagyat itong maisagawa at maipatupad upang makatulong ito sa ating mamamayan at sa bansa.

Ang ating mamamayan ay umaasa sa matuwid na daan ng pangulo. Bakit ‘di natin katuwangin ito tungo sa pagbabago? Nakapaimportante ng papel at pamantayang ito sa paghubog ng tamang pamamaraan upang sumang-ayon ang ating mamamayan. Alalahanin din nating ang ating mga mababatas ay dapat naturang role model na nangangahulugang dapat pagsimulan ng mga ganitong akdain, hindi puro porma, salita at pagiging kampante lamang na ang SONA ay pabonggahan na patuloy naman nilang sine-sensationalize dahil sa media attention na kabuntot nito.

Kung pagmamasdan nga naman at aanalisahin, tila mala-artistang nagrarampa sa red carpet ang ating mga lider.

Maaring sa paningin ng mga mamamayang nahihirapan, hiwalay ang kanilang daigdig sa karangyaang tangan-tangan ng mga mababatas na dapat kakitaan nila ng mas simple at disiplinadong pananamit na naayon sa importanteng pagpupulong ukol sa kalagayan ng bansa.

Tsina at Pilipinas sa usaping teritoryo

NAGSIMULA NG isang malaking operasyon sa karagatan ang coast guard ng China upang palakasin pang lalo ang kanilang puwersa. Ito ay sa gitna rin ng masidhing usapin sa territorial waters sa kanilang mga kalapit na bansa.

Sinsabing ang mga istrakturang itinatayo ng Tsina na dapat ay hindi magkaroon ng pandigma ay inarmasan na, ayon mismo sa kanilang bansa na inulat naman ng Global Times. Dagdag pa nito, mayroon na rin silang ahensya na itinayo upang banatayan ang kanilang teritoryo sa gitna ng dagat.

Bakit nga ba nagiging agresibo itong China? Hindi kaya tila nais na ang lalong pagpalakas nito ay paghahanda sakali sa napipintong digmaan. Isang magandang strategic point ang ating karagatan upang makuha nila ang tamang posisyon kung sakaling  sila naman ang targetin ng kapwa nila higanteng bansa.

Ano nga ba ang ating magagawa samantalang wala tayong pambili ng makabagong jet fighter na pangdigma ayon sa ating pangulo?

Sa akin, unahin natin palakasin ang ating sandatahang lakas na siyang nagbibigay proteksyon sa sobereniya ng ating bansa. Bagay na kahit maliit tayong bansa, dapat ay maitatak ito sa ating mga puso at isipan na ang kasarinlan natin ay huwag lamang basta iasa sa inaakala nating bansang tumulong sa atin.

Tayo mismo ang magkaroon ng sariling sandatahang lakas na maunlad sa mga armas upang anu’t-anuman ang mangyari, hindi pahuhuli ang ating magigiting na sundalo sa mga pagbabanta sa labas at sa loob ng seguridad ng ating bansa. ‘Ika nga, sana huwag naman tayong maging arena ng labanan at gawing sandwich spread sa magkabilang taklop ng tinapay.

Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.

For comments and suggestions. E-mail: [email protected]

Larawan sa Canvas

By Maestro Orobia

 

Previous articleSayaw tayo!
Next articleBukambibig 07/26/13

No posts to display