ARAW-ARAW, 5,000 OFW ang lumalabas ng bansa. Lalong nadadagdagan ang mahigit 12 milyong kababayan natin na nakakalat sa 194 bansa sa daigdig.
Araw-araw rin, anim na ka-baong na may nakasilid na OFW ang dumarating sa ating mga airport, araw-araw, mula sa ibang bansa. At higit tatlumpu ang bumababa sa eroplano na nasira na ang pag-iisip.
Ganito karami ang ating mga OFW at ganyan din kalaki ang problemang hinaharap natin. Hindi ito kayang harapin ng DFA lamang. Hirap din ang POEA at OWWA na tugunan ang samu’t saring problema ng mga OFW. Kaya’t kailangan ang makabagong remedyo sa problema.
Ipinapanukala ko noon pa na amyendahan ang Local Government Code at ang Magna Carta for OFW at itatag ang OFW desk sa bawat munisipyo at siyudad. Siyempre pa, kapag ito’y napatunayang mabisa, maaari na ring magtayo ng OFW desk sa mga barangay.
Ano ang trabaho ng OFW desk? Dito’y maaaring maglaan ng mga staff na aasikaso sa mga problema ng mga kababayan nilang may mga kamag-anak sa abroad na dumaranas ng problema. Maaari ring magbuo sila ng direktoryo ng mga OFW na mula sa kanilang lugar at nangibang-bansa, documented man o undocumented. Ang mga tanggapang ito ang makikipag-ugnayan sa POEA, OWWA o DFA para sa mabilisang aksyon sa mga problema ng OFW.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo