NABASA KO MINSAN sa kolum n’yo na sinabi n’yong maging matatag tayo sa pakikitungo sa China. At nasabi n’yo pa na huwag tayong ma-kiusap sa bansang ito dahil hindi nito tayo irerespeto. Ngunit paano naman po ang mga Pinoy OFW na nagtatrabaho sa China. Hindi kaya sila buweltahan dahil sa ating pagmamatigas? Hindi ba’t mahalaga rin para sa kaunlaran ng bansa natin ang mga kababayan nating posibleng maapektuhan ng hidwaan natin sa China?— Ver ng Makati City
TAMA KA D’YAN. Kailangan talaga tayong mag-ingat sa pakikitungo hindi lamang sa Tsina kundi sa iba pang bansa. Nitong mga nagdaang buwan, nahirapan ang gobyerno natin sa pagbalanse ng interes natin sa larangan ng diplomasya at ang kapakanan ng ating mga OFW. Ganyan ang naranasan natin sa isyu ng kaguluhan sa Egypt, Bahrain, Tunisia at hanggang sa kasalukuya’y sa Syria at Libya. Ganyan din ang naging problema natin sa usapin ng hostage crisis at relasyon natin sa Hong Kong, ang deportation ng mga Intsik sa China na ikinagalit ng Taiwan. At patuloy pa itong mangyayari dahil may 12 milyong Pilipinong nakakalat sa 193 bansa. At ang kapakanan ng OFW ang lagi dapat isaalang-alang ng pamahalaan sa relasyong diplomatiko. Iyan ang ‘di maaaring isuko sa negosasyon.
Ang nakataya sa isyu ng Spratlys at mga isla sa South China Sea ay kakaiba. Ang mga ito ay ating inaangkin dahil may mga legal na batayan tayo para sa nasabing claim. Itinatakda ng ating Konstitusyon na ang mga ito ay dapat nating ipaglaban at ipagtanggol laban sa sinumang magsasagawa ng anumang kaparaanan para agawin sa atin ang mga ito. Kung kaya’t ang ginawang pagpasok ng mga Tsino sa teritoryo nating ito ay paglabag sa ating soberaniyang pambansa. Lalo na nang gumamit sila ng dahas at pananakot sa mga mapayapang Pinoy at oil exploration team natin sa loob ng ating teritoryo.
Hindi natin ito maaaring isuko. Karapatan nating idepensa kung ano ang atin. At hindi naman marahil gagawin ng Tsina na buweltahan ang ating mga OFW sa bansa nila. Oo, bagama’t nagpapasa-lamat tayo sa kanila sa pagbibigay-hanapbuhay sa ating mga kababayan, ang mga OFW naman doo’y nag-aambag din sa ekonomiya ng China sa pamamagitan ng kanilang sipag at kasa-nayan. Kaya nga hindi rin nila basta-basta mapatatalsik ang mga kababayan nating nagtatrabaho roon.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo