SI BACOOR, CAVITE Mayor Strike Revilla ang guwapong kasama ni Diether Ocampo habang namumudmod ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy.
Si Mayor Strike din ang nakunan ng Parazzi fotog na katabi ni Iza Calzado sa 40th celebration ni Sen. Bong noong Friday, Sept. 25. Dahil parehong single (binata at dalaga), hindi sila tinigilan ng mga naroon na tuksu-tuksuhin sa isa’t isa’t isa. Mahiyain kasi ang nakababatang kapatid ni Bong kung kaya’t na-discover tuloy na crush niya ang dalagang katambal ni Bong sa pang-Metro Manila Film Festival na pelikulang Panday.
Alam kaya ni Strike na nagkaroon ng kissing scene si Bong kay Iza? Aba’y baka magkaselosan pa ang magkapatid. Hindi naman dapat kung saka-sakali dahil mas posibleng ilakad pa ni Bong si Strike sa dalaga.
Actually, hindi lang si Bong ang may imina-manok kay Strike. Ganu’n din si ex Sen. Ramon Revilla, Sr. noong March 8 of this year. Noong una, akala’y may bago na namang tini-tingnan-tingnan ang daddy nina Bong at Strike. Mismong si Ramon, Sr. ang nagpaliwanag na “nililigawan” nga niya ang magandang bisita. Pero, hindi para sa kanya kundi para kay Strike.
Tiyak na magagalit na naman nito si Strike at uulit-uliting sabihin na: “Darating din tayo, d’yan, Ate Chit. Medyo bising-bisi lang tayo sa trabaho. First term ko ito bilang Mayor ng Bacoor at kailangan kong magpakitang-gilas. Otherwise, mapapahiya ako kay Daddy at kay Kuya Bong.”
MATATAGALAN SIGURO BAGO magkaroon ng Part 2 ang Yaya and Agelina: The Spoiled Brat Movie nina Ogie Alcasid at Michael V.
“Mahirap mapantayan ang success ng pelikula,” pag-amin ni Ogie. “The result was quite amazing and it will require us to come up with another concept para hindi naman maumay ang sumusubaybay sa amin ni Michael V. Actually, ang, isina-suggest nila ay isang katulad din ng YAA (TSBM). Pero, kami naman ang nag-iisip na ibahin ito because our audience deserves something bigger, newer. Next year na siguro ito magagawa. Hindi lang namin uupuan ni Michael V, ang project, tatayuan talaga namin ito!”
Naalaala kasi ni Ogie ang kadakilaan ni Comedy King Dolphy. “Ayoko naman kasing masabing “sheer luck” lang ang tagumpay na nangyayari, samantalang “sheer talent” ang puhunan ng mga comedians na nauna sa amin at hanggang ngayon ay nananatili up there.
“Hindi ko masasabing napanood ko ang lahat ng pelikula ni Comedy King. Pero, siya ang nakapagpatawa at nakapagpaiyak sa akin.”
HUWAG NA MUNA nating hatulan si KC Concepcion kung pag-uusapan ay ang Lovers In Paris niya with Piolo Pascual.
Inihanda na rin kasi nina Direk Eric Reyes at Shaira Salvador, scriptwriter ang aming kalooban na huwag ikumpara ang dalaga sa Koreanang gumanap ng role ni Vivian sa original version nito. Pero, ang nakita nila ay isang version na mas kakilig-kilig at katanggap-tanggap, lalo’t si Piolo nga ang gumaganap na Carlo na iibig sa kanya.
Ayaw lang nilang tanggapin ang dialogue ni Piolo nang magsuot si KC ng napakagandang gown at ayusin niya ang kanyang buhok. “Maganda ka pala!” sabi kasi ni Piolo.
Pagbalik-baliktarin man daw, maganda at maganda pa rin si KC. Hinding-hindi siya magmumukhang pangit.
“Isa pa, talagang kenkay rin si KC in real life. Bungisngis din ito, tulad ng kanyang mommy,” anang staff ng Sharon show.
BULL Chit!
by Chit Ramos