Ogie Alcasid, may benefit concert para sa Ondoy victims – Gorgy’s Park

HINDI PA TAYO nahimasmasan sa nakaraang bagyong Ondoy, ito namang bagyong Pepeng ang pumasok sa atin na ikinaloka na ng lahat.

Parang napraning na ang lahat kaya karamihan na taping sa GMA 7 nu’ng nakaraang Biyernes ay maagang na-pack-up at baka maabutan sila ng malakas na bagyo.

Mabuti’t hindi naman ganu’n kalakas pero nag-iingat na ang lahat kaya ang aga nang nagsiuwian ng mga tao.

May mga ilang concert na kinansel na dahil takot na ring lumabas ang mga tao.

Pati sa Startalk kinabukasan ay walang sumipot na guest dahil ang buong akala nila lalakas pa ang ulan at nagkatrapik din.

Sa kabila ng mga ganu’ng kalamidad, nagkakaisa ang lahat para tumulong sa mga nabiktima ng baha gawa ng bagyong Ondoy.

Sa GMA-7 lang ay halos lahat na mga Kapuso stars ay tumutulong sa pagsasagot sa telethon, sa repacking at pamimigay ng relief goods.

Kuwento ng ibang artistang sumasagot sa telethon, nadi-depress daw sila sa ibang nagtatawagan na humihingi ng tulong.

Ang komedyanteng si Chariz Solomon ay umiiyak daw sa studio nang sumasagot sa telethon dahil merong isang tawag na nasagot niya na nag-iiyak at humihingi ng tulong. Habang umiiyak daw iyung kausap niya, sinasabayan din ni Chariz ng iyak. Kaya pareho silang nagngangalngalan sa telepono.

[ad#post-ad-box]

Nakagagaan lang daw ng kalooban nila kapag may natatanggap silang tawag na nagpi-pledge ng tulong at malaki na nga ang nalikom na tulong ang GMA Kapuso Foundation.

Kahapon ay bumaba ng Maynila si Manny Pacquiao galing Baguio at tinigil muna niya ang pag-ensayo dahil namigay rin ito ng relief goods sa Angono, Rizal.

Si Sen. Bong Revilla naman ay tumungo ng Barangay Masambong, Q.C. para magbigay rin ng tulong.

Matagal pa ang recovery period mula sa trahedyang iyun kaya tulung-tulong ang lahat na makabangon.

PINAGKAKAABALAHAN NAMAN NGAYON ni Ogie Alcasid ang binubuo nilang benefit concert na ang title ay Kaya Natin Ito na gagawin sa Araneta Coliseum sa November 14.

Mga OPM artist ang bumubuo nito pero wala pang kumpirmasyon kung sino ang mga artist na willing mag-perform nang libre para makalikom ng salapi na ibibigay na tulong sa mga nasalanta ng nakaraang bagyong Ondoy.

Basta sabi ni Ogie, nag-okay na raw si Regine Velasquez at Michael V at tingin naman nila marami ang interesadong sumali.

Tingin ko naman, marami ang sasali diyan dahil high na high ang spirit ngayon ng mga tao para tumulong sa mga nakakaawang kababayan natin na nabiktima ng nakaraang trahedya.

Pagkatapos ng benefit concert na iyun sa November 14, aalis sina Ogie at Regine pa-Australia para dumalo sa kasal ni Michelle Van Eimeren.

Siyempre, ayaw naman ni Ogie sabihin kung kailan ang kasal, basta sometime in November daw.

By Gorgy’s Park

Previous articlePremiere Shots: Iza Calzado, suportado sa first Hollywood movie
Next articleJean Garcia, na-trauma sa bagyong Ondoy – Lolit Solis

No posts to display