IPINAKITA ni senatorial candidate Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pagiging kuwela sa panayam sa “Ogie Diaz Showbiz Update” YouTube channel kung saan sinagot niya ang mga nakakaliti at pilyong tanong ng mga host na sina Ogie Diaz at Mama Loi.
Hindi napigilan ni Trillanes na mapangiti nang sabihin ng dalawa na sila’y “na-turn-on” nang makaharap ang dating senador.
“Ganyan talaga kapag guwapo, matipuno at makisig,” wika ni Mama Loi.
Napatili naman ang dalawa nang banggitin ni Trillanes na “mahabang ano” ang dahilan kung bakit nanatiling bata at guwapo ang kanyang itsura.
“Wala namang out of the ordinary. Sinasabi nila mahaba…,” wika ni Trillanes bago naputol ang kanyang sagot ng mga tili nina Diaz at Mama Loi.
Ngunit nilinaw ni Trillanes na ang tinutukoy niya ay ang mahabang pananatili niya sa kulungan kaya napanatili niya ang batang itsura.
“Mahaba ang taon na nakulong ako kaya hindi na-expose sa elements,” paliwanag ni Trillanes, na inamin din na mayroon siyang mga tagahangang bading noong kabataan niya.
Sa kabila ng pagiging magandang lalake, sinabi ni Trillanes na hindi siya nakatanggap ng alok na pumasok sa showbiz dahil sumali na siya sa Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Trillanes, pangarap niya ang maging electrical engineer, ngunit naimpluwensiyahan siya ng military background ng ama kaya siya sumali sa PMA.
Inamin din ng dating senador na may crush siya sa ilang artista noong dekada 80, gaya nina Dawn Zulueta at Gretchen Barretto.
“Noong teenager tayo nagkaroon din tayo ng crush na artista. Sina Dawn Zulueta at Gretchen Barretto,” ani Trillanes, na nagsabing personal na rin niyang nakita si Barretto.
Tinanong din ni Diaz si Trillanes kung bakit nakatira pa rin ang kanyang pamilya sa bahay ng kanyang biyenan kahit naging mambabatas pa siya ng 12 taon.
“Unang-una kasi, noong tayo ay nakakulong, nagging komportable na ang pamilya ko doon. Ang in-laws ko naman sa GenSan nakatira so pinahiram sa amin iyong bahay na iyon,” wika ni Trillanes.
“Nasanay na kami, komportable kami. Hindi rin kami sanay sa magarbong pamumuhay,” dagdag pa niya, sa pagsasabing nakabili siya ng ilang ari-arian mula sa suweldo niya bilang mambabatas at hindi sa katiwalian.
Mula 2007 hanggang 2019, si Trillanes ang pinaka-produktibong senador kung saan nakapagpasa siya ng 98 national bills bilang principal author, kabilang ang AFP Modernization Law, Increase in the Subsistence Allowance of Uniformed Personnel, Salary Standardization Law 3, Increase in the Burial Assistance to Veterans, Archipelagic Baselines Law, Universal Healthcare Law, Immediate Release of Retirement Benefits of Government Employees, PAG-IBIG Fund Law, Magna Carta for Disabled Persons, Expanded Senior Citizens Act, at Anti-Bullying Act.
Kapag muling nahalal sa Senado, plano ni Trillanes na isulong ang mga batas na magpapaigting sa kampanya kontra katiwalian at magpapalakas sa peace and order, paglaban sa kahirapan at pagpapatibay ng mga programang pang-kalusugan at edukasyon.