Tanda Ba News?: Oh-la-la, Dawn Zulueta!

Wala nang mahihiling pa ang isang Dawn Zulueta.

Matapos hintayin ang kasunod ng kanilang unico hijo na si Jacobo, ipinanganak ni Dawn ang baby girl nila ni Rep. Anton Lagdameo, si Ayesha Madlen.

Maagang sumabak sa showbiz si Marie Rachel Salman (A.K.A. Dawn Zulueta). Isinilang siya noong Marso 4, 1969. Dose pa lang siya, kinarir na niya ang modelling para makatulong sa kanyang pamilya lalo pa’t mag-isa nang kumakayod ang kanyang mader.

Hindi naging maramot ang industriya upang kupkupin ang nagsisimulang si Dawn. Marami ang nabighani sa kanyang ganda at tangay na tangay ang manonood sa madradramang linyang kanyang binibitiwan sa mga pelikula.

Nang magmarka ang kanyang pagganap sa Hihintayin Kita sa Langit with Richard Gomez, pumailanlang ang space rocket ng kanyang career. Sabi nga ni Dawn, trabaho-bahay lang ang routine niya at halos wala nang social life.

Taong 1991 nang sabay niyang nasungkit mula sa FAMAS ang Best Supporting Actress award para sa Una Kang Naging Akin at Best Actress Award para naman sa pelikulang Hihintayin Kita sa Langit.

Naging masalimuot ang kanyang lovelife na palaging nauuwi sa hiwalayan. Dumating pa sa puntong hindi na siya naghanap dahil para na siyang turumpo sa takbo ng buhay-pag-ibig niya. Tinanong pa nga raw niya ang Diyos kung hanggang kailan siya masasaktan.

Parang nakanti naman ang damdamin ni Lord sa tanong ni Dawn kung kaya inuhulog Nito sa kandungan ng aktres ang isang Anton.

Ikinasal sina Dawn at Rep. Lagdameo noong Disyembre 27, 1997, at bumuo sila ng pamilya sa Davao.

Mula noon, naging pribado na ang kanyang buhay bilang asawa at ina. Paminsan-minsan, lumalabas siya sa ads at TV series tulad ng Encantadia noong 2005.

Kung tatanungin mo si Dawn kung ano pa ang mahihiling niya, ito lang naman ang bonggang isasagot niya: “None. I am already complete.” O, saan ka pa?

Ni Mayin de los Santos, Photos by Mark Atienza and Parazzi Wires


Previous articleSugod Shooting: Latest viewing kay Janice!
Next articleKris Aquino, matapang at matatag sa krisis ng pamilya!

No posts to display