MGA BAGETS, alam n’yo ba ang golden rule ng ating mga magulang noong mga chikiting pa lamang tayo? Iyon ay ang “Do not talk to strangers” o “Huwag makipag-usap sa hindi mo kilala”.
Pero bakit ganoon, makalipas lamang ang isang dekada, naiba na ang mundong ginagalawan natin. ‘Yung ibang mga utos sa atin, nagagawa natin gaya ng magdasal bago kumain at matulog, ang paggalang sa mga nakatatanda, ang pag-ubos ng kinainan. Pero, ang huwag makikipag-usap sa hindi kakilala, malamang sa malamang, ‘yan ang sinasaway na natin ngayon.
Sa dinami-rami ng ina-accept mong kaibigan sa Facebook account mo, ilan sa kanila ang personal mong kakilala? ‘Di ba mga kalahati lang? Kung minsan nga kahit hindi mo kakilala, sinasagot at nila-like mo ang mga comments nila sa status mo.
Sa Twitter naman, tanggap ka lang ng tanggap ng followers sa Twitter kasi ang lakas maka-feeling sikat kapag maraming followers, hindi ba? Ganu’n din maging sa Instagram. Diyan pa nga lang sa mga nabanggit ko, lahat tayo ay guilty sa batas sa atin noon na huwag makikipag-usap sa hindi kakilala.
Siguro ang ilan sa inyo, magsasabi na simpleng bagay lang naman ‘yan at hindi mo maiiwasan sa mundo ng social networking sites. Maharil nga oo, kaso hindi mo rin ito masisiguro dahil sa bagong trend sa bagets ngayon, ang Omegle.
Slogan pa nga lang ng Omegle na “Talk to Strangers”, taliwas na sa mga batas na isinabuhay natin noon. Ang Omegle ay maaari mo na ring tawaging isang uri ng social networking site. May twist nga lang ito dahil hindi kayo magkakilala sa mundo ng Omegle.
Kapag gumawa ka ng account sa Omegle, puwedeng-puwede ka nang makipag-chat ng kahit sino na online dito. Kung masyado kang nalalawakan sa sakop ng Omegle, puwede mo namang i-categorize ang gusto mong ka-chat ayon sa mga hilig at paborito mo, at Omegle na ang bahala mag-match sa iyo sa ibang online na may kapareho ng hilig mo.
Nakaaaliw ito dahil sa chatbox, ikaw si “Me” at ang ka-chat mo ay si “Stranger”. Nakaaaliw ito lalo na kapag ikaw ay bored o kaya gusto mo lang talagang may kumausap sa iyo. Magkakaroon ka rin ng pakiramdam na kahit sa saglit na panahon, hindi ka naman pala forever alone.
Masaya rin ito dahil malamang sa malamang puro kawirduhan at kalokohan ang maaari n’yong pag-usapan. Lakas din ng ngang maka-“No Strings Attached” na peg ng Omegle lalo na sa mga magka-chat na naghahanap ng virtual flings kahit mga minuto lang ang itatagal.
Ngunit, tulad nga ng kasabihan, ang sobra ay nakasasama. Nakasasama rin ang Omegle lalo na kapag masyado ka nang na adik dito. Baka mamaya niyan, unahin mo ang pag-Omegle kaysa sa mga bagay na mas importante pa roon.
At huwag ding masyadong magtitiwala sa makaka-chat mo, dahil hindi mo alam kung alin sa mga sinasabi niya ang totoo at alin ang gawa-gawa lamang. Huwag mo ring ibibigay ang iyong personal na impormasyon, dahil kailanman hindi naman mababago ang katotohanan sa pananaw ng nakakatanda na masama ang magtiwala sa hindi mo kakilala.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo