TAMA LANG ang ginawang desisyon ng ating pamahalaan na huwag magpaabot ng pahayag sa mga bansa na nagkakaroon ng kaguluhan – tulad ng Syria, sa pamamagitan ng United Nations gaya ng ginagawa ng ibang bansa.
Ang kapakanan ng libu-libong OFW ang isinaalang-alang ng ating pamahalaan sa ginawa nitong desisyon.
Pero iba ang pananaw ng mga kritiko ng ating gobyerno at maging ng ibang mga bansa sa pananahimik ng ating pamahalaan tungkol sa usapin sa Syria, halimbawa. Binabatikos ang pagiging manhid at duwag daw ng ating gobyerno at hindi nakikikondena tungkol sa mga nagaganap na karahasan sa Syria.
Aminin man ng karamihan sa atin o hindi, ang isa sa mga pangunahing bumubuhay sa ekonomiya ng ating bayan noon pa man at magpahanggang ngayon ay ang remittances ng mga OFW. Kaya nga tinagurian natin silang mga buhay na bayani. Kung walang mga OFW, matagal nang lubog ang ekonomiya ng Pilipinas.
Kapag nakisawsaw tayo sa pamamalakad at kaguluhan sa ibang bansa, kung saan ay marami tayong mga kababayan na nagtatrabaho roon, tiyak na sila’y pag-iinitan at maiipit.
‘Ika nga, “this is the small price we have to pay” – ang pananahimik na lamang at matawag na manhid at duwag, kapalit ng bilyon-bilyong dolyar taon-taon na ibinubuhos ng mga OFW sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittances na maituturing nating “blood, sweat and tears” nila.
PERO MARAMI ring mga ginawang desisyon ang ating gobyerno – ang P-Noy administration, na padalos-dalos at hindi pinag-isipan nang mabuti tulad ng pagtatalaga ng mga kawani sa ating gobyerno sa mga importanteng posisyon na ang tanging kuwalipikasyon lamang ay sapagkat sila ay kaklase, kabarilan, kaibigan, etc. ng presidente.
Dahil malalapit sa presidente ang mga taong ito at matagal ang kanilang mga pinagsamahan, malakas ang loob nilang gumawa ng katiwalian sapagkat iniisip nilang hindi sila basta-basta sisibakin ng kanilang matalik na kaibigan.
Dapat paminsan-minsan kinokonsulta rin ni P-Noy ang apat na kapatid niyang babae para magbigay sa kanya ng payo.
Hindi siya ipapahamak ng mga kapatid niyang ito dahil unang-una na, mahal nila ang ala-ala ng kanilang mga bayaning magulang. At pangalawa, hindi sila mga pulitiko kung kaya’t wala silang vested interest sa gobyerno kundi ang pa-ngalagaan ang mabangong apelyido ng kanilang angkan.
Dapat pakatandaan ni P-Noy na kapag wala na siya sa puwesto pagkatapos ng 2016 elections, marami sa mga miyembro ng kanyang gabinete o ‘yung mga amuyong na nakapaligid sa kanya na bumubulong-bulong ngayon ay iiwan na siya, samantalang ang mga kapatid niya ay palagi lamang sa tabi niya magpakailanman.
Dapat pakatandaan din ni P-Noy na malaki ang naitulong ng kanyang mga kapatid noong panahon ng kanyang kampanya. At ang mga kapatid niyang ito ay ikinampanya siya dahil sa kanilang tunay na pagmamahal at pagtitiwala sa kanya ‘di tulad ng iba na kaya sumama sa pagkampanya dahil may mga nakatagong vested interest sila.
ANG INYONG lingkod ay mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO (WSR) sa 92.3NewsFM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00PM. Ito ay kasabay na mapapanood din sa AksyonTV Channel 41.
Ang WSR ay may lingguhan ding show sa TV5. Ito ay pinamagatang WANTED na mapapanood tuwing Lunes ng gabi, pagkatapos ng Pilipinas News.
Para sa inyong mga sumbong magtext sa 0917-7WANTED o 0908-87TULFO. Paalaala lamang na ang mga cellphone number na ito ay hindi tumatanggap ng tawag.
Shooting Range
Raffy Tulfo