NOONG IKA-14 ng Pebrero naging usap-usapan ang misteryosong billboard sa taas ng waiting shed na iyong makikita kapag ikaw ay bumaybay sa EDSA. Ito ay wala na ngang iba kundi ang “Olivia, will you marry me?” billboard na may nakalagay sa ibaba na 21414. Marami ang kinilig, marami ang nagtaka, marami ang namangha at marami ang nanghula.
Marami ang kinilig dahil sino nga ba ang hindi kikiligin kapag nakita mo itong billboard na ito sa kasagsagan ng buwan ng nag-aalab ng mga puso. Kung lalaki ka, mapapasabi ka talaga na “Brod, idol!” Kung babae ka naman, “Ang sweet naman niya, sana ako din.” Lahat malamang kinilig lalo na ang mga bagets na kapag napapadaan sa “Olivia, will you marry me?” billboard. Hindi pinalalagpas ang pagkakataon na ma-picture-an ito at i-post sa Facebook, i-tweet sa Twitter at i-upload sa Instagram, agad-agad.
Marami rin ang nagtaka dahil hindi lang isa ang billboard, kundi napakarami. Mapapaisip ka talaga. Hindi kaya marketing strategy ito ng isang produkto o ng isang kumpanya? Pansin na pansin din ang paggamit ng striking colors na kung saan sa mundo ng advertising at ng marketing, malaki ang papel na ginagampanan ng mga kulay dahil sinisimbolo nito ang isang produkto.
Marami rin ang namangha dahil kahit tapos na ang Araw ng Mga Puso, hindi pa rin nalalaman ng mga tao kung sino nga ba talaga si Olivia, kung tao ba siya? O bagay? Pero kahit hindi nila malaman-laman ang nakakamangha doon ay mas lalong bumibilib ang mga tao sa kung sinuman ang may pakulo nito namangha na ang mga tao sa kakaibang ideya na ito na talaga naman naging malakas ang impact sa mga Pinoy.
Marami ang nanghula dahil kabi-kabilang ispekulasyon na ang naglabasan na kung ano ba talaga ang mayroon sa likod ng billboard na ‘yan. Nauna na ang pagkabit nito sa showbiz couple na sina John Prats at Isabel Oli, inakala na ito ay paraan ni John Prats para mag-propose kay Isabel Oli na Olivia ang tunay na pangalan pero mabilis na nila itong itinanggi. Marami rin ang nanghula na siguro ay marketing strategy ito ng isang shampoo o ng feminine wash.
At sa wakas, “Olivia said YES!”
Ito ang mga katagang naidagdag sa bagong “Olivia, will you marry me billboard” na itinayo sa EDSA noong kamakalawa lamang. At sa wakas, natigil na ang panghuhula ng mga tao dahil ito nga ay isang marketing campaign ng condominium ng Pioneer Woodlands sa Mandaluyong at San Lorenzo Place sa Makati na pagmamay-ari ng Empire East. Sa bagong billboard, ang nakalagay na ay “Olivia Said Yes! So we bought our first investment together at Pioneer Woodlands Mandaluyong City.” At ang 21414 pala ay nagrerepresenta ng presyo ng lingguhang bayad sa unit ng nasabing condominium.
Kaya mga bagets, tama ba ang hula n’yo?
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo