NAKAUSAP NAMIN ang mag-asawang Ronnie at Mariz Ricketts bago pa man inilunsad ang bagong kampanyang ‘Bawal Kumopya’ na pagsasanib-puwersa ng Optical Media Board (OMB) at PARI (Philippine Association of Record Industry, Inc.) sa nakaraang Awit Awards na ginanap sa Glorietta Activity Center noong November 27.
Una muna naming inusisa si Chairman Ronnie kung ano nga ba ang mga bagong pinagkakaabalahan ngayon ng OMB office kung saan siya ang pinuno. Kuwento niya, “Well ang preparations sa ngayon ay ‘yung Metro Manila Film Festival. Tapos ngayon andito tayo sa Awit Awards to support at may ilo-launch tayo mamaya, ‘yung tie up ng OMB at PARI, so hindi lang tayo sa movies kundi pati sa music. Tuluy-tuloy ‘yung ginagawa nating ugnayan so lahat ng mga puwede nating tulungan ay tinutulungan ng OMB.”
Dagdag pa niya, “We’re very very active, kasi we are busy in our provincial campaigns. This morning galing tayo sa isang pro-binsiya, so hindi lang Metro Manila ang operations namin kundi all over the Philippines. So if you can check with our website, ‘andu’n ‘yung ginagawa naming kampanya.”
Sa ngayon daw, tuluy-tuloy pa rin ang pagsugpo nila sa piracy. Aniya, “Well of course ang number one ngayon ay ‘yung ugnayan natin na ginagawa natin sa ating mga kapatiran. Sa ating Muslim brothers, may mga point person na kaming tumutulong sa atin. Ang pinagtutuunan natin ng pansin ay kung ano ‘yung puwedeng ipalit sa kanilang negosyo. Hindi gaya nu’ng dati na raid, balik, raid, balik. So ang ginagawa natin ngayon, we’re trying to go over that. Magkakaraoon ng magandang kinabukasan ang ating mga kapatid. Lahat involve dito, Office of Muslim Affairs, DTI (department of Trade and Industry), IPR (Intellectual Property Rights) and OMB.
Sa December 25 na ang simula nang pag-aarangkada ng mga entries sa Metro Manila Film Festival. Matatandaang noong nakaraang Pasko, ay inikot ng OMB ang maraming sinehan upang magbantay sa mga maaaring mamirata ng mga pelikula. This Christmas, ganu’n din daw ang gagawin nina Chairman Ronnie at OMB. Kuwento pa niya, “Automatic ‘yun, ipinakita natin ang ating suporta sa mga kasamahan natin sa industriya na kahit Pasko nagtatrabaho rin ang OMB. Ipinapakita natin, we’re one with them and we are there to protect the industry.”
Dahil sa kanyang pagpupursiging masupil ang pamimirata, nakatanggap kaya siya ng mga death threat? Pag-amin niya, “Ah, it’s part of the job, eh. Pero ang maganda ngayon, kasi kilala ko na ‘yung mga puwede na-ting hingan ng tulong para sa atin, hindi kagaya dati.”
SUNOD NAMING tinanong ang asawa ni Chairman Ronnie na si Mariz. Kuwento nito, todo-suporta raw ang ginagawa niya para sa kanyang asawa dahil alam niyang malaki ang responsibilidad na nakaatang dito. Naiintindihan din daw nito na sa mga espesyal na okasyon kagaya ng Pasko ay hindi nila ito nakakasama.
Aniya, “Hindi naman, naiintidihan ko na dahil alam kong ganu’n kasi ka-dedicated si Ronnie sa work niya. So, nandu’n na ‘yung understanding. Magaling namang bumawi, eh. So, after nu’n, ‘andu’n naman siya sa amin ng mga bata.”
Nagsasabi ba siyang suko na siya dahil sa dami ng problema sa opisina? Pag-amin niya, “Marami pero Ronnie is not the type na susuko, that’s one thing na masasabi at sigurado ako du’n na kahit na anong laban na papasukin niya, tatapusin niya at hindi niya susukuan ‘yan. So, I’m just here to always pray for him and always reminding him na dahan-dahan din naman dahil natatakot din naman ako siyempre as a wife. Parati kaming nag-aantay ng mga bata sa pag-uwi niya everyday. So, ingat lang talaga.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato