MGA BAGETS, noong kayo ay mga chikiting pa lamang, naalala n’yo ba ang bilin ng iyong mga magulang sa inyo? Nariyan siyempre ang magdasal bago kumain at bago matulog, masama ang magsisinungaling, huwag magnakaw ng mga gamit ng iba, matutong makipag-share ng mga laruan sa kapwa, huwag makikipag-away sa mga kalaro, huwag lalabas ng bahay nang walang paalam at ang pinakagasgas sa lahat, alam n’yo ba kung ano? Ang huwag makipag-usap sa hindi mo kilala. Pero makalipas lamang ang isang dekada, naiba na ang mundong ginagalawan natin. Marahil ginagawa pa rin natin hanggang sa ngayon ang iba sa mga nabanggit ko na bilin ng ating mga magulang. Pero, malamang sa malamang, may sinusuway tayong isa riyan, ang huwag makikipag-usap sa hindi kakilala.
Sa dinami-rami ng ina-accept mong kaibigan sa Facebook account mo, ilan sa kanila ang personal mong kakilala? ‘Di ba mga kalahati lang? Kung minsan nga kahit hindi mo kakilala, sinasagot at nila-like mo ang comments nila sa status mo. Sa Twitter naman, tanggap ka lang ng tanggap ng followers sa Twitter kasi lakas maka-feeling sikat kapag maraming followers, hindi ba? Ganoon din maging sa Instagram. Diyan pa nga lang sa mga nabanggit ko, lahat tayo ay guilty sa batas sa atin noon na huwag makikipag-usap sa hindi kakilala.
Siguro ang ilan sa inyo magsasabi na simpleng bagay lang naman ‘yan at hindi mo maiiwasan sa mundo ng social networking sites. Maharil nga oo, kaso hindi mo rin ito masisiguro dahil sa bagong trend sa bagets ngayon, ang Omegle.
Slogan pa nga lang ng Omegle na “Talk to Strangers”, taliwas na sa mga batas na isinabuhay natin noon. Ang Omegle ay maaari mo na ring tawaging isang uri ng social networking site. May twist nga lang ito dahil hindi kayo magkakilala sa mundo ng Omegle. Kapag gumawa ka ng account sa Omegle, puwedeng-puwede ka nang makipag-chat sa kahit sino na online dito. Kung masyado kang nalalawakan sa sakop ng Omegle, puwede mo namang i-categorize ang gusto mong ka-chat ayon sa mga hilig at paborito mo at Omegle na ang bahalang mag-match sa iyo sa ibang online na may kapareho ng hilig mo.
Nakaaaliw ito dahil sa chatbox, ikaw si “Me” at ang ka-chat mo ay si “Stranger”. Nakaaaliw ito lalo na kapag ikaw ay bored o kaya gusto mo lang talagang may kumausap sa iyo. Magkakaroon ka rin ng pakiramdam na kahit sa saglit na panahon, hindi ka naman pala forever alone. Masaya rin ito dahil malamang sa malamang puro kawirduhan at kalokohan ang maaari ninyong pag-usapan. Lakas din ngang maka-“No Strings Attached” na peg ng Omegle lalo na sa mga magka-chat na naghahanap ng virtual flings kahit mga minuto lang ang itatagal.
Ngunit, tulad nga ng kasabihan, ang sobra ay nakasasama. Nakasasama rin ang Omegle lalo na kapag masyado ka nang naadik dito. Baka mamaya niyan, unahin mo ang pag-Omegle kaysa sa mga bagay na mas importante pa roon. At huwag din masyadong magtitiwala sa makatsa-chat mo dahil hindi mo alam alin sa mga sinasabi niya ang totoo at alin ang gawa-gawa lamang. Huwag mo ring ibibigay ang iyong personal na impormasyon dahil kailanman, hindi naman mababago ang katotohanan sa pananaw ng nakatatanda na masama ang magtiwala sa hindi mo kakilala.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo