BONGGA talaga sina JC Santos at Bela Padilla, huh? Lahat ng pelikulang pinagsasamahan nila bilang magkapares ay laging ina-acquire ng Netflix.
Simula bukas, July 5, ay mapapanood na ang pelikulang ‘On Vodka, Beers and Regrets‘ sa nasabing video streaming website. Mula sa panulat and direksyon ni Irene Villamor, ipinalabas ang pelikula bilang Pre-Valentine presentation ng Viva Films bago pa nagkaroon ng Enhanced Community Quarantine o ECQ. Kung hindi kami nagkakamali, isang buwan din ang tinagal ng pelikula sa ilang sinehan at as of writing ay ito ang #1 Pinoy Film sa box-office among all the movies na ipinalabas mula Enero hanggang Marso.
Ang ‘On Vodka, Beers and Regrets’ ay kuwento ng isang dating childstar na naging alcoholic. Dahil sa kanyang bisyo ay unti-unti niya sinisira ang kanyang buhay. Makikilala niya ang isang simpleng gitarista na magiging ‘shoulder to cry on’ niya. Hanggang saan ang kakayanin ng isang lalaking nagmamahal ng tapat sa isang babaeng may bisyo?
May special participation dito si Matteo Guidicelli bilang abusadong boyfriend ni Bela.
Warning lang sa mga manonood: May mga eksena rito kung saan nagpapakita ng suicidal tendencies ang bidang babae. May mga trigger scenes kaya mas mainam kung hindi ito ipanood sa bata.
Marami ang umasa na magiging box-office hit ang ‘On Vodka, Beers and Regrets’ dahil na rin sa tagumpay ng ‘100 Tula Para Kay Stella’ at ‘The Day After Valentine’s’, na parehong naging topgrosser sa Pista ng Pelikulang Pilipino Year 1 and 2.
Ang maganda sa tambalang JC at Bela ay hindi na nila kailangan pang gumimik na ‘may something’ sila in real-life dahil nagwowork ang kanilang chemistry onscreen. Kunsabagay, puro mabibigat ang mga kuwentong napupunta sa kanilang tambalan at magagaling silang artista.
Ito rin ang una nilang collaboration bilang magkapartner sa writer/director na si Irene Villamor, na gumawa rin sa Camp Sawi nina Bela Padilla, Arci Munoz, Yassi Pressman, Andi Eigenmann, Kim Molina & Sam Milby; Sid & Aya (Not a Love Story) nina Dingdong Dantes at Anne Curtis; Meet Me in St. Gallen nina Carlo Aquino at Bela Padilla at Ulan na pinagbidahan naman ni Nadine Lustre with Carlo Aquino and Marco Gumabao.
Kung hindi kami nagkakamali, sina JC at Bela ang dalawa sa mga Pinoy actors na marami-rami na rin ang pelikula sa movie catalogue ng Netflix. Ang bongga talaga nila, ‘diba?
Maliban sa ‘On Vodka, Beers and Regrets’, mapapanood na rin ngayong Hulyo ang ‘Ang Pangarap Kong Holdap’ (showing na simula noong Huwebes) at ‘Through Night and Day’ naman nina Alessandra de Rossi at Paolo Contis na available na sa July 9.