SINIMULAN NA noong Pebrero ang Skyway stage 3 project na magcoconnect sa North at South Luzon Express way. Maging ang Ninoy Aquino International Express way ay nakalinya na sa mga aayusin. Ipinatupad na rin ni Erap ang truck ban sa Maynila. Bahagi ito ng malawakang infrastructure project sa Pilipinas kaya mas titindi daw ang traffic. Magtiis-tiis muna dahil ito na daw ang solusyon sa perennial problem ng Pinas ukol sa traffic.
Kung hindi man nangunguna, isa ang Pilipinas sa may pinakamalalang problema sa trapiko. Ilang milyong piso ang nawawala dahil sa nasasayang na oras resulta ng buhol na buhol na traffic. Mga daan at ang napakadaming sasakyan lang ba ang mga dahilan kung bakit matindi ang trapiko sa Pinas?
Tatlong taon ng expired ang driver’s license ko, kaya nagpunta ako sa isang mall sa Quezon City upang magparenew. Akala ko’y ligtas na ako sa mahabang pila sa main office ng LTO (Land Transportation Office) dahil maari na kaseng mag-apply ng lisensya o magrenew sa mga malls. Pero sabi nga, maraming namamatay sa maling akala. Sa main office na dapat mag-apply kapag higit na sa isang taong paso ang lisensya kaya no choice ako.
Umuwi ako sa aking probinsya sa Nueva Ecija at doon ko na isinabay ang pagasikaso ng aking pasong lisensya. May kakila daw ang aking tito na maaring mapabilis ang proseso. Pero bago nyo ko husgahan, hindi ko balak maglagay. Aminado ako sa pagbabakasakali na baka di ko na kinakailangan magpractical test kung saan susubukan ang iyong driving dahil naisip ko na mas madali sa probinsya, paniguradong kaseng ibabagsak ko ito dahil limang taon akong hindi nakahawak ng manibela. Naisip ko rin na baka mas kakaunti ang pila. Natulungan naman ako ng aming kakilala, nahanap ang mga impormasyon na kailangan kahit hindi ko dala ang luma kong lisensya. Ngunit dapat parin daw akong kumuha ng written exam dahil mahigpit na daw ngayon. Naimpress ako dahil sa wakas ay nagbago na ang sistema. Pinabalik ako kinabukasan. Bago ang written test ay umattend muna ako ng seminar at compulsory daw ito. Punong-puno ang kuwarto ng mga bagong aplikante, mga nagrerenew at maging ng mga nakumpiskahan ng lisensya. Itinuro sa seminar kung anong uri ng lisensya ang dapat kuhanin, mga dapat icheck bago magdrive, mga kadalasang traffic violations at karampatang parusa. Binibigyang diin ang pagsusuot ng seatbelt dahil malaking bagay ito para sa kaligtasan ng mga pasahero pero bakit madami parin ang hindi gumagawa nito? Mahalaga na makattend ng seminar lalo na sa mga first time na kukuha ng lisensya at hindi dapat mabigyan kung hindi ito mapuntahan.
Hindi daw pwedeng kumuha ng lisensya ang no read no write na driver kaya pala ang nakasabay ko sa medical exam kung saan sinusuri kung may diperensya sa paningin ang aplikante ay hindi makabasa ng mga letra kahit hindi naman malabo ang mga mata nito. Pero sa huli ay nakakuha parin ito ng lisensya.
Ipinaliwanag ng nagbigay ng seminar ang direksyon sa written exam. Sinubok niya ang isa sa mga kukuha kung nakinig ba ito sa seminar at kung naintindihan. Una nitong tinanong kung ano ang unang dapat gagawin kapag sasakay ng sasakyan. Napakamot ng ulo ang lalake. Muli niya itong tinanong, this time ang tanong nya lang ay ano ang Ingles ng bilog; ilang minutong natigilan ang lalake at muling kumamot ng ulo. Napasagot ito ng oblong! Ayun naman! kaya naman pala may mga drayber na pumapasok parin sa mga hindi dapat daanan o kaya naman ay basta nalang humihinto ng walang pakundangan na nagiging dahilan ng traffic.
Bago ako kumuha ng exam ay sinabihan ako ng aming nakilala. Huwag daw akong mag-alala dahil pwede naman daw lagyan na ng sagot ang aking answer sheet. Multiple choice ang mga tanong at isheshade ang tamang sagot. Lalagyan na daw nila ng check ang tamang sagot sa questionnaire at ang kailangan ko nalang ay ishade sa answer sheet. Sa isip-isip ko, akala ko ba ay mahigpit na ngayon? Napatingin ako sa mga karatulang nakapaskil sa dingding ng LTO office at maging sa pintuan na nagsasabing “BAWAL ANG FIXER.” Tinanong ko ang tiyuhin ko kung paano niya ba nakilala ang empleyadong ito, “siya ang umareglo ng lisensya ko, nageksamen rin ako pero may sagot na ang papel ko” patawa-tawang sagot ng tito ko. Kaya naman pala hindi masagot ng tito ko ang mga tanong ko tungkol sa ilang batas trapiko; believe it or not, Professional pa ang lisensya niya. Hindi ko tinanggap ang alok sa akin ng LTO employee na ito, sinabi ko na susubukan kong ipasa ang eksamin kahit na mag-uulit ako sakaling ibagsak ko at kinakailangang magbayad ulit. Samantalang sa UK, kailangan mo talagang mag-aral ng mabuti at paghandaan ang theoretical exam bago ka mabigyan ng driver’s license. Kung hindi mo maipasa ang practical exam kahit makalusot ka sa theories ay hindi ka parin mabibigyan ng lisensya. Hindi ako masisi kung naicocompare ko madalas ang UK sa Pilipinas dahil sa ganitong sistema. Talagang sinusunod ang mga batas trapiko dito dahil seryoso rin ang pagpapataw ng penalty sa sinumang lumabag at maaring matanggalan ka pa ng lisensya. Kaya naman ang mga kababayan nating Pinoy na nagmamaneho sa UK, disiplinado. Hindi lang naman mga Pinoy sa UK ang disiplinado sa pagmamaneho kung hindi pati narin yung nasa ibang bansa kung saan istrikto pagdating sa batas trapiko. Nakakalungkot kase imbes na magset sila ng good example dito sa Pinas at ipraktis ang kanilang natutunan ay madalas nagiging pasaway rin sila.
Isang dahilan ng matinding trapiko sa Pilipinas ay patuloy na pagdami ng mga sasakyan. Ibig sabihin rin nito ay dumadami ang mga nagmamaneho. Kung madaming nagmamaneho ay madami ring nabibigyan ng lisensya. Ang tanong, lahat ba ng mga nabibigyan ay talagang karapat-dapat? Nabigyan ako ng lisensya noong unang beses dahil may naglakad nito. I’m guilty of under the table, red tape o sa madaling salita pandaraya. Kaya ang simpleng yellow line sa kalsada ay di ko alam ang ibig sabihin. Sa pangalawang pagkakataon ay sinubukan kong ituwid ang malpractice na ito. Nakinig akong mabuti sa seminar at sineryoso ko ang eksamen. Buong araw ako sa LTO kasabay ng matinding sikat ng araw ay buong tiyaga kong hinantay maproseso ang aking bagong lisensya. In fairness, ipinatutupad naman ng mga empleyado ang No break policy. Pero sana tuluyan ng mabagong sistema sa mga ahensya tulad ng LTO. Kahit anong road widening ang gawin sa ating bansa kung wala tayong disiplina na kikilanin ang mga batas, habang buhay ng hindi uusad ang Pilipinas.
By Joy Mesina