MUKHANG NAGKAKAROON na ng kaganapan ang a-
king panukala noon pa na magkaroon ng one-stop shop para sa mga OFW. Ang ibig sabihin, sa isang lugar ay magkakasama na ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa OFW. Halimbawa, sa isang rehiyon ay magkakadikit na ang opisina ng OWWA, POEA at DFA. Sa gayon, hindi na mapapagod ang mga OFW sa pagbabalik-balik sa mga opisinang ito kapag may nilalakad o pina-follow up na mga problema o pinoprosesong papeles.
Ayon sa ulat ng OWWA, ang mga regional offices nila ay may nakakatulong na ring mga sangay ng POEA. Maganda ito. Mas maganda siguro ay may permanente na ring kinatawan ang DFA para sa gayo’y malapit na lang ang pag-aaplayan ng passport.
Katagala’y maaari na ring itatag ang mga tanggapan o sangay ng NBI at iba pang ahensiyang laging nilalapitan ng mga OFW para sa clearance.
Mangyayari lang ito kung susuportahan ng badyet ang nasabing mga tanggapan sapagkat ang pagtatatag ng mga ito ay mangangailangan ng mga karagdagang tauhan at gastusin. Maaari ring makatulong ang mga kongresman at senador kung makapaglalaan sila ng pondo mula sa kanilang mga pork barrel para sa proyektong ito.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo