LUMABAS SA isang malaking pahayagan ang isang buong pahina na palatastas na ang pamagat ay “one more time!” Ito ay nagsasaad ng isang pagpapahayag ng damdamin at sentimyento umano ng mga Pilipinong nagnanais na palawigin pa ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino. Dahil sa wala umanong nararapat na pumalit sa pangulo ngayon ay mas maigi nang pahabain pa nang isang termino pa ang kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Matagal na ang isyung ito at akala nga ng marami ay natapos na at natuldukan na ang isyu matapos ang isang eklusibo at magandang panayam kay Pangulong Aquino ni Atty. Mel Sta. Maria ng TV5 hinggil sa isyu ng term extension ni PNoy. Ngayon ay tila binubuhay na naman ang isyu ng term extension lalo’t bumababa ang popularity rating ni Vice-President Binay dahil sa paglalim ng isyu ng overpricing ng mga gusaling itinayo sa Makati sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Mayor, partikular ang “world class” umanong parking at city hall building sa Makati.
Sa aking tingin ay hindi na talaga nais pa ni Pangulong Aquino ang pahabain pa ang kanyang termino. Ang mga pahayag at palatastas na lumabas at maaaring maglalabasan pa ay isang political strategy lamang upang manatili ang kanyang kapangyarihang politikal at impluwensya.
Ganyan talaga sa politika, ito ay parang isang laro na kailangan ng estratehiya upang manatili ang iyong tagumpay rito. Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga dahilan at rasyonale ng mga estratehiyang ito na tila nagbibigay ng pagkalito sa tao sa tunay na saloobin ng Pangulo sa isyu ng kanyang term extension.
UNA SA mga dahilan ng pagpapalutang ng isyu ng term extension ay ang pag-iwas ng Pangulo sa tinatawag na pagkawala o pagkabawas ng kahalagahan nito bilang isang politikal na personalidad dahil sa napipintong pagtatapos ng kapangyarihan nito bilang pinakamataas na pinuno ng bansa. Lahat ng mga pangulong nagdaan ay nagpalutang din ng mga ideya na sila ay muling tatakbo at magdadagdag ng termino.
Sila dating pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo ay pare-parehong nagkaroon ng isyu ng term extension sa huling dalawang taon nila bilang presidente. Ito ay ginagawa ng isang pangulo at kapartido nito upang manatili silang banta sa mga nagbabalak na pumalit sa puwesto ng pagkapangulo. Pinananatili rin nito ang impluwensya ng Pangulo sa iba pang mga politiko gaya ng mga mambabatas, gobernador at mayor.
Sa pagpapanatili ng impluwensya at politikal na lakas ng pangulo ay naipagpapatuloy nito ang mga proyekto at political agenda na nais nitong ipatupad sa loob ng kanyang termino. Naghahabol din siya sa panahon na dapat ay matapos lahat ng mga proyektong ito at may mga batas na kailangan ding maipasa bago bumaba ang pangulo sa posisyon. Kung mananatili siyang isang politikal na banta, makapangyarihan at maimpluwensya ay maisasagawa niya lahat ng kanyang nais matapos sa nalalabing panahon bilang pangulo ng bansa. Sumisentro ang usaping ito sa politikal na suporta sa kanya.
ANG PANGALAWA sa mga dahilan ay ang aspetong ekonomiya ng bansa. Kung magkakaroon ng pagtingin na tila naghihintay na lamang ang isang Pangulo sa pagbaba nito sa puwesto ay maaaring humina ang kumpiyansa ng mga lokal at banyagang mamumuhunan sa bansa. Malaki ang magiging epekto nito sa lumalagong ekonomiya ng bansa. Mas maganda kasing may kasiguraduhan na maaalagaan ang mga investment na ito sa pamamagitan ng ideyang magpapatuloy ang pangulo sa kapangyarihan at magpapatuloy rin ang magandang kalakaran sa merkado sa ilalim ng panunungkulan nito bilang pangulo.
Ang dalawang puwersa ng politika at ekonomiya ang dalawang salik kung bakit kailangang palutangin ng kasalukuyang pamahalaan ang ideya ng term extension. Ang dalawang salik na ito ang apoy na nagpapatuloy ng pag-ikot at pag-usad ng pamahalaan. Kung mawawala ang impluwensya ng pangulo dahil sa pagtatapos ng kanyang termino ay tiyak na mawawala rin ang dalawang salik na ito.
Si Pangulong Aquino ay tiyak na pinangangalagaan ang kanyang politikal na impluwensya, kapangyarihan at patuloy na pagtatag ng ekonomiya ng bansa. Kaya’t gaya ng ibang mga nagdaang presidente ng bansa ay pinanatili niya ang kanyang impluwenya at kapangyarihan sa nalalabi nitong panahon sa puwesto.
HINDI RIN nais ng Pangulo na siya mismo ang sumuwag sa Saligang Batas na itinatag ng kanyang ina. Ito ang legasiya ni Cory Aquino bilang pangulo na pumutol sa mahabang termino ng isang mapang-abusong pangulo. Hindi lamang pambabastos sa 1987 Constitution ang pagkakaroon ni PNoy ng isa pang termino kundi pambabastos din ito sa legasiya ng kanyang ina.
Ito ang isang napakabigat na tungkulin ni PNoy, ang protektahan ang Saligang Batas na itinatag ng kanyang ina at ang alagaan ang legasiya nito bilang isang pangulo at itinuring na Asia’s Icon of Democracy. Bukod sa pagiging pangulo at mamamayang sumusunod sa batas ay isa rin siyang anak na sumusunod at nagmamahal sa mga bilin ng kanyang ina. Hindi na tatakbo si PNoy at wala na ring term extension.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo