NU’NG 1998 pinalad akong makasama sa official entourage ng dating Pangulong Erap sa pagbisita sa U.S. Kauna-unahang official visit niya ito matapos maupo sa puwesto. Bilang Press Undersecretary, ang responsibilidad ko ay tumulong sa maraming media matters at iba pang pangangailangan.
Buwan ‘ata ng Hulyo noon. Tag-ulan. Pagkatapos ng apat na araw sa New York, lumipad kami sa Washington D.C. para sa official meeting kay U.S. President Bill Clinton. Natural very excited ako. Isang hamak na barrio boy, makakatapak sa White House.
Todo-bigay ang reception ng mahigit na 2,500 Filipino communities sa Washington. Hot sensation si Erap pagkatapos ng kanyang historic landslide nu’ng eleksyon. Dialogues with business community and civic groups. Speaking tours sa forum ng mga U.S. at iba pang foreign investors. Gala awards night sa mga dating haligi ng pinilakang tabing. At ang climax ay one-on-one with Clinton sa White House.
Walang pagsidlan ang aking excitement habang ine-eskortan kami sa receiving room ng White House. I’m in rendezvous with history. Dati-rati dala ng kahirapan, naglalako lang ako ng pinyang Hawaii at bitso-bitso sa lansangan para matustusan ang aking pag-aaral. Sa kolehiyo, nanghihiram ako ng polo shirt sa boardmates at nagbebenta ng lumang diyaryo pandagdag sa allowance. Ngunit ngayon…
Isang haplos sa balikat ang nag-udlot sa aking muni-muni. Usec, si charge ‘d affairs (nakalimutan ko ang kanyang tongue-twisting name). Wika ng isang kaibigan kong cabinet member. Agad kong kinamayan ang pinakilala at ngumiti nang masaya.
Ah, you’re from the Philippines. I know your country. I have three Filipino domestic helpers in London. Ang reaksyon ng pinakilala.
‘Di ko malaman kung matutuwa o magagalit. Para akong nakatapak ng malaking pako na tumusok sa aking talampakan. Pinilit kong ngumiti. Ngunit tuloy pa rin ang wari ko’y palibak na titig sa akin. Nalaman ko na lang nang bigla ko siyang nilayasan.
‘Di ko alam sa inyo kung anong magiging kahulugan ng enkuwentrong ito. Sa akin, ‘di maipaliwanag na pagpupuyos ng galit. At pagkahabag sa kahirapan ng ating bansa na nililibak at kinukutya sa buong mundo.
SAMUT-SAMOT
NAPABALITA KAMAKAILAN ang ‘sang Filipino boxer, John Casemiro, na pinagtulungan sa loob ng ring ng Argentina boxing mob matapos i-knock out ang isang Argentinian boxer. Sa internet all over the world, kitang-kita ang pag-akyat sa ring ng mga ulol na Argentinians. Pinagsusuntok at pinagtatadyakan si Casemiro. At winasak ang Philippine flag. Umani ang insidente ng poot at galit ‘di lamang sa ating bansa kundi sa buong civilized world.
MATAPOS ANG halos dalawang taon ng paghihirap sa throat cancer, pumanaw kamakailan si Celso de los Angeles na pangunahing akusado sa Legacy scam. Ang scam ay nagbiktima ng libu-libong mahihirap na depositors. Dahil sa kanyang pagpanaw, pumanaw na rin ang hustisya sa mga biktima. ‘Di na nadala ang pamahalaan. Halos taun-taon may mga pre-needs na kumpanya ang nagiging bangkarote dahil sa paggalpon sa salapi ng mga depositors. Walang ngipin ang Central Bank at SEC para suriin lagi kung wasto ang pagpapatakbo ng mga pre-need firms. Para ring walang pakialam si P-Noy. As usual, biktima na naman ay mahihirap.
MAY ORCHESTRATED efforts na sirain sa media si Philip Juico, kabiyak ng PCSO Chair Margie Juico. Naglabasan kamakailan ang maraming insinuations of corruption laban kay Philip na ang hangad ay siraan siya sa kumpiyansa ni P-Noy. Walang katotohanan ang mga ulol na paratang sa kanya. Kilala ko mismo si Philip. Malinis. Matapat. At tunay na public servant.
PINAHAYAG NI dating senador Ernie Maceda ang koalisyon ng PMP-PDP-Laban-NPC sa darating na 2013 eleksyon. Prospective senatorial bets are Sen. Koko Pimentel, Sen. Chiz Escudero, former Sen. Dick Gordon, Sen. Loren Legarda, Rep. Jackie Enrile at Rep. JV Ejercito. Patok na powerhouse team. Maaari rin daw maglatag ng slate ang NP to be led by re-electionist Alan Peter Cayetano. Abangan.
ISANG GABI, kung sinu-sinong dating kababata ang napanaginipan ko. Bumangon ako nang pawisan, humihingal at uhaw na uhaw. Lakas ng pintig ng aking puso at takbo ng pulso. Nagdasal ako ng ilang rosary beads. Parang buhay na buhay ang nakaraang alaala. Nasaan na kaya sila ngayon? Talagang ang buhay ay isang paglalakbay. Sa umaga, sa tang-hali at karimlan. Sa edad na 68, dumating na ako sa madilim na karimlan. Tadtad na kung anu-anong karamdaman. Panlalabo ng mata, pagkalog ng tuhod, sakit ng tiyan at araw-araw na pagkatakot.
SALBAHE ANG mga pusa sa neighborhood ko. La-ging nakaabang sa aking aviary ng love birds. Kaya ang mga ibon, walang tigil sa pag-iingay. Maski anong sigaw at bugaw, ayaw umalis ang mga damuho. May stray cats epidemic sa aming subdivision. Natutulog sa makina ng mga kotse, kinakalat ang basura at naghahabulan sa gabi sa bubong ng bahay.
TOP-NOTCH PERFORMANCE ang pinamamalas ni Gov. ER Ejercito ng Laguna. Sure ball na siya sa re-election. Mga impact projects sa infrastructure, agriculture at efficient delivery of basic services ay tinatamasa ngayon ng kanyang mga constituents. Last year, Laguna was cited by DILG as one of the most progressive provinces in the country. Cheers!
SSS PENSION ko ay P3,500 monthly. Kulang na kulang sa gastusin sa gamot, pagkain at iba pang araw-araw na pangangailangan. Buti na lang meron akong konting savings galing sa aking pinagtrabahuan nu’ng nakaraang 30 taon. Biro mo, ang liit ng SSS pension sa katulad kong senior citizen. Dapat taasan ng batas ang pension.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez