Onli in da Philippines: Parks and Wildlife

www.iliveiconquer.com
www.iliveiconquer.com
www.whereinmanila.com
www.whereinmanila.com
wikipedia.org
wikipedia.org

SUMMER NA naman dito sa UK kaya jam-packed na naman ang mga parks at kung may extra budget ay dinarayo rin ang mga seaside kagaya ng Brighton. Mayroon ring mga lakes ang ilang parks na masarap pagpahingaan habang pinanonood ang mga geese at ducks na nagkukumpulan. Kung gaano ko naappreciate ang mga likas na yaman na ito dito sa UK ay siya namang panghihinayang ko sa mga parks at lakes natin sa Pinas.

Minsang nagawi kami ng aking pamilya sa Roxas boulevard para magchek-in sa isang casino resort doon ay ginulat kami ng masangsang na amoy kahit nakasarado ang bintana ng aming mga kotse. Akala pa nga namin ay “somebody farted” kaya nagtawanan na lang kami. Binuksan namin ang aming bintana para makalabas ang amoy ngunit mas lalong tumindi. Napatingin ako sa Manila bay at doon na namin na conclude na doon pala nagmumula ang masangsang na amoy! Napatanong nga ang pinsan ko kung paano daw kaya nakakain ang mga nasa floating restaurants sa Manila bay. May namataan pa kaming magkasintahan na magkalingkis habang nakatanaw sa bay. Paano nila naatim na magkapaglambingan kung hindi na pabango ng bawat isa ang naamoy nila?

Sa kahabaan ng aming biyahe ay hindi nawala ang amoy. Laking pasasalamat namin nang makapasok na kami sa resort. World-class ang casino and resort na ito. May malaking swimming pool, gym, spa at naka wi-fi. Lalo akong naimpress pagpasok ko sa aming kwarto na kung tutuusin ay deluxe room lamang. Hinawi ko agad ang maputing kurtina at tumambad sa akin ang view ng Manila bay. Napaka presko at malinis tingnan. Hindi ko nga lubos maisip na ito ang bay na umaalingasaw sa baho dahil sa mga duming itinatapon dito.

Hindi kalayuan sa Manila bay ay ang makakasaysayang Luneta park. Napakalawak ng parkeng ito, ngunit hindi ito masyadong dinadayo ng ating mga mga kababayan maliban na lang tuwing Valentine’s day; mabenta ito sa mga lovers dahil murang dating place ito. Maginhawa rin naman kase ang klima kapag February kaya mapagtitiyagaan ang Luneta park ngunit hindi mo matatagalan ang tumambay dito kapag pumasok ang buwan ng tag-araw sa Pinas hindi tulad dito sa UK. Masusunog ang iyong balat at baka ma heat stroke ka pa sa tindi ng init!

Karaniwan na lang na makakita tayo ng mga kalapati sa mga parke dito sa UK. Di ba’t ang mga gansa at bibe nga ay malayang-malaya sa lawa samantalang ang mga kalapati sa Pinas at ultimo exotic animals ay binebenta kadalasan sa Aranque. Swerte ka kung may matiyambahan kang kalapati dahil kung hindi ito inaalagaan, nagagamit ito sa sugal o kaya nama’y kinakain! Only in the Philippines!

Maraming parke sa Pilipinas, sa Maynila ay nariyan ang Paco at National Parks and Wild life. Ngunit mas gusto pang tinatambayan ng ating mga kababayan ang mga malls kesa magpalipas ng mga oras sa mga parks. Bukod sa tindi ng init ay hindi rin makakaligtas ang ilong mo sa maitim na usok ng mga sasakyan. Wala ring pakundangan sa pagkakalat ang mga namamasyal dito. Balat na nga lang ng candy ay kinakatamaran pang itapon ng ilan nating mga kababayan. Kung madaanan man ito ay hindi ito papansinin kaya hindi kataka-taka na naiipon ito hanggang sa maging gabundok na basura. Sino ba ang dapat sisihin kapag nagbaha? Kahit ilang beses ipaalam sa atin na basura ang isa sa pangunahing dahilan ng pagbabaha ay hindi ito tumatanim sa ating mga kokote. Napalaki ng pagkakaiba natin sa mga Europeano na maalagain sa kalikasan. Kung tutuusin kaya naman nating mga Pilipino, dahil kapag nasa ibang bansa tayo ay sumusunod tayo sa mga batas pero bakit ba sa sarili nating bayan hindi natin magawa?

Sana ay natuto na talaga tayo pagkatapos ng Yolanda. Ilang bagyo narin ang dumaan sa Pilipinas, at alam natin na marami pang pwedeng dumating. Ngunit hindi naman tayo pwedeng magkibit balikat na lang. Hindi pa huli ang lahat upang isalba ang mga ilog at parke. Hindi lamang naman upang makaakit tayo ng mga turista kung hindi pati na rin mapakinabangan ng ating henerasyon ngayon. Sana ay baunin nating mga Pinoy ang magagandang natutunan natin sa pangingibang bayan sa tuwing tayo ay bibisita sa Pilipinas. Ituro natin ito sa mga malalapit sa atin at maging mabuti tayong halimbawa.

Ni Joy Mesina

Previous articleThe Good Samaritan in you
Next articleEskrima

No posts to display