MAHIRAP TALAGANG ISPELENGIN ang justice system sa ating bansa lalo na kung ikaw ay isang pobreng mamamayan. Ikaw na nga ang inaagrabyado, ikaw pa ang nakakalaboso.
Isang malinaw na halimbawa dito ay ang kaso ni Bernard Calaycay, katiwala ng isang bar sa Cainta, Rizal. Noong May 7, Sabado, bandang ala-una ng madaling-araw, pumunta ng nasabing bar si PO2 Reynante Padilla at kargado na ito ng espiritu ng alak. Pero gayun pa man, nakatungga pa rin si Padilla ng apat na boteng serbesa bago ito tuluyang makatulog sa mesa sa sobrang kalasingan.
Nang magising, hinanap ni Padilla ang kanyang nawawala umanong cellphone na ayon sa kanya ay nakalapag lamang daw sa mesa bago siya makatulog. At nang ‘di niya mahanap, biglang nag-iba ang anyo nito – mula sa pagiging lasing, nagmistula itong ulol na matsing.
Naglululundag at nagsisisigaw ito sabay na pinagbababaril ang TV set sa bar at ang mga ilaw pati na ang mga dingding doon. Masuwerte namang walang tinamaan na mga nagtakbuhang customer ng ligaw na bala sa paghuhuramentado ni Padilla.
Ngunit napagdiskitahan ni Padilla si Bernard at ito ang pinagbintangan niyang nagnakaw sa kanyang cellphone. Nagtawag si Padilla ng mga kasamahan niyang pulis – dahil na rin siguro sa takot na baka kuyugin siya ng taong bayan. Nang dumating ang kanyang mga kabaro, dinala nila si Bernard sa pre-sinto at pagkatapos ay ipina-medical.
Pagkatapos maipa-medical, muling ibinalik ito sa presinto at idiniretso sa kalaboso sabay na pinagtulungang bugbugin. Pagsapit ng Lunes, binitbit ng mga pulis si Bernard sa inquest fiscal.
Bagama’t walang nakuhang ebidensiya kay Bernard, at base sa hinala lamang, kinatigan pa rin ng piskal ang reklamo ni Padilla at isinampa ang kaso laban kay Bernard sa husgado. Dahil dito naging ligal na ang pagkakakulong ni Bernard sa presinto.
Makailang beses tinawagan ng WANTED SA RADYO (WSR) si Padilla sa kanyang cellphone, pero sa tuwina, kina-cancel niya ang aming mga tawag. Tinawagan din ng WSR si PO2 Randy Ventura, ang imbestigador sa kaso. Pero ayaw nitong magsalita.
Ngunit nakausap namin ang hepe ni Padilla at ni Ventura na si Col. Emmanuel Bautista, ang chief of police ng Cainta at maging ang hepe ng piskal na nag-inquest kay Bernard na si Chief Fiscal Boy Bautista. Nakapanayam din ng WSR si Assistant State Prosecutor Richard Anthony Fadullon ng DOJ.
Lahat sila ay aminadong hindi dapat nakakulong si Bernard. Nangako ang tatlo na makikipagtulu-ngan sa kamag-anak ng biktima at sa WSR para mapakawalan ito. Nangako rin silang tutulong para masampahan ng kasong kriminal at administratibo si Padilla.
Ang kuwentong ito ay mapapanood sa mga susunod na episode ng WANTED sa TV5, Biyernes ng gabi, pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news).
Ang WSR ay mapakikinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV sa Channel 41. Sa SkyCable ito ay nasa Channel 61 at sa Channel 7 sa Destiny. Samantalang sa Channel 1 naman sa Cignal.
Mamayang gabi, abangan ang isa na namang bakbakang episode ng WANTED sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo