UMABOT NA sa halos 10 million views and still counting sa Facebook at more than 500 thousand views sa Vincentiments Youtube channel ang kontrobersyal na KPL Online Class video na sinulat ni Darryl Yap, director ng Jowable at Sakristan, at idinirek ni Vincent L. Asis.
Ang “KPL” o Kung Pwede Lang ay pangatlo sa online class rant trilogy ng Vincentiments. Ang dalawang nauna ay ang “Bunganay” na tungkol sa mga sentimyento ng isang ina na nagpapaaral ng anak sa online class. Na sinundan naman ng “Resbak Kakak” na tungkol naman sa himutok ng isang teacher about online class pa rin.
Sa tatlong episodes ay matinding tinuligsa ng karamihan ay mga guro ang KPL Online Class na may pinakamaraming views. Anila, hindi raw dapat ipinapalabas ang ganitong content dahil napakaraming kabataan ang may access sa Facebook at Youtube at posibleng maiba ang orientation nila sa totoong intensyon ng Department of Education sa pagsasagawa ng online class simula August 24, 2020.
Sa naturang video ay isa-isang inilahad ng estudyanteng si Penelope (Loren Marinas) kung bakit ayaw niya ng online class.
Aniya, “Hindi lang tayo ang nasa online. Ang nanay ko, may online selling din. At hindi hihinto maging bahay ang bahay namin para makibagay sa ibinigay n’yong online class na hindi naman bagay sa amin.
“Tapos, nag-iinaso ka dahil maingay aso namin? Maingay electric fan? Pinatay ko. Gusto mo, pag nag-ingay alaga ko, nanay ko at kapatid ko, patahimikin ko rin?
“Ma’am, ke iutos mo o hindi, ‘yang p*t*ng inang kapitbahay namin na videoke nang videoke ng bwaka ng ina, kahit hindi mo iuutos papatayin ko na!”
Ayon naman kay Direk Darryl, ang nilalaman ng kanilang latest video ay tungkol lang sa kung ano ang totoo.
Paliwanag ng Jowable director, “Maraming salamat sa mga gurong nakaintindi, na hindi pag-atake kundi pagbibigay pagkakataon sa kanilang hanay ang #KPL #onlineclassrant. Hindi lamang ng STUDENTS’ kundi maging ng sa PARENTS’ at TEACHERS’ Rant.
“Dahil TOTOO namang sila ang nasisisi sa nangyayari. Sa totoo lang, wala pong nagsasabing hindi bastos ang content na ito. Opo, ito po ay naglalaman ng mapanakit na biro at salita — dahil yun ang totoong reaksyon ng nakararami na pinapahalagahan ng VinCentiments.
“Kung nasaktan po kayo sa mga salita, iyon po ay bahagi ng mas malalim na paumanhin. Sa totoo lang, ito ay isang platform para mas mapag-usapan ang isyu nang mas malawakan.
“Sa totoo lang, this opened the floodgates para mag-alsa ang mga apektado, direkta man o hindi. Maaaring laban sa akin, sa ngayon. Pero laban talaga sa sistema dapat.
“Sa totoo lang, later they will thank KPL for burning the bridge that lights their way. Sa totoo lang, dahil sa KPL na ito, nalaman nyo ang mga ugali ng isa’t-isa — kung paano sila humaharap sa mga makatotohanang tagpo; kung paano sila mag-react — ang inyong mga kaklase, kaibigan, guro atbp.
“Kami po sa Vincentiments ay hindi kampi para sa magulang lang, sa estudyante lang, sa guro lang. Kami ay sa totoo lang.”