KUNG ANG pamimili sa bayan ay para sa ating mga lolo at lola, ang pamimili naman sa plaza ay para sa ating mga magulang, ano naman ang para sa mga bagets ngayon? Ito ay wala nang iba kung hindi ang pamimili sa mga online shopping stores. Tama, online. Siyempre, hindi na rin naman nawawala sa mga kabataan ngayon ang pagpunta-punta ng malls ngunit para na lang mag-aliw tulad ng panonood ng sine, pagkain sa restaurants, paglalaro sa Timezone dahil mas pinapaboran na ng nakakarami sa kanila ang mamili na lang online.
Halos lahat ng puwedeng bilhin sa malls ay mayroon na sa online shops. May mga damit panlalaki at pambabae, may pang-baby pa nga. May accessories, sapatos, pagkain at marami pang iba. Kadalasan, imported at branded pa ang mga ito. Mayroon pa ngang mga limited edition. At mayroon na hindi nabebenta sa malls kung hindi sa kanila lang. Kaya hindi rin natin masisisi ang mga bagets kung puro ang pina-follow nila sa Instagram, blogs at Facebook ay puro online stores.
Anu-ano nga ba ang plus points ng online shops kumpara sa mga store na nasa mall?
Hindi nakapapagod
Hindi mo na kinakailangang libutin ang mall para lang mabili ang mga gusto mo, dahil puwedeng-puwede ka na lang mag-internet at mag-log in sa social networking sites para mamili sa mga online shop. Kung hindi mo gusto ang mga tinitinda sa isang online shop, eh ‘di i-click mo ‘yung iba o kaya hanapin mo sa search engine iyong online shop na nagbibigay ng sakto sa taste mo. O, ‘di ba? Hindi ka na napagod kalalakad, kahit nakahiga ka pa, kahit saan ka pa, puwedeng-puwede ka nang mamili online.
Mas makatitipid
Kadalasan, ang mga binebenta sa online shops ay mas mababa ang presyo kumpara ng nasa malls dahil nga hindi na sila kailangang magbayad ng paupahan ng puwesto nila sa mall. Mas makatitipid ka rin dahil malaki ang diperensya ng presyo. Malaki ang patong ng mga nabibiling gamit sa mga mall. At minsan din naman, kung marami kang bibilihin sa online shop, puwede ka pang bigyan ng discount ng may-ari. O kaya, ililibre na nila ang shipping fee.
Mas makaaangat
Sa kadahilanan na may mga online shop na limited edition ang binebenta o kaya ay ‘yung wala pa sa ‘Pinas, mas makalalamang ka sa iba. Makaririnig ka ng mga papuri tulad ng “Ganda naman niyan, walang ganyan dito, ah!” o kaya “Wow! Parang ikaw lang yata ang meron niyan!”
Kahit na may maraming dalang positibo ang pag-online shopping dapat maging maingat ka pa rin. Maging matalinong mamimili, mga bagets! Bumili lang sa mga trusted online shop, magbasa ng kanilang mga reviews o feedback mula sa kanilang mga mamimili. Sundin ang instruction na ibibigay tulad ng tamang pag fill-up ng order forms, i-check mabuti ang deposit accounts. I-follow up ang mga nabiling items. Matutong magbasa muna bago magtanong. Kadalasan kasi, porke’t nakita mo na ‘yung picture ng gusto mong bilhin, go ka kaagad! Mamaya umasa ka na bago ‘yan iyon pala pre-loved, hindi mo lang nabasa sa caption. Kaya mga bagets, huwag magtiwala sa mga online shops basta-basta, nagkalat na rin ang mga bogus seller. Kung kaya ang pinakamabuting solusyon dito ay maging matalino at madiskarteng mamimili para hindi ka makabili ng peke at hindi ka rin mapeke.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo