SI ONY Carcamo ay isang dating advertising director at manunulat. Siya ay isang bihasang puppeteer at ventriloquist. Kahit anong trabaho, pinasok na ‘ata niya, kulang na lang ay maging tubero o kaya’y masseure, hehehe!
Siguro, ito ay dahil gusto niyang maraming malaman. Kaya nga pati pagpipinta ay hindi niya binigyan ng puwang upang hindi angkinin ng kanyang galing. Patuloy siyang nagtutuklas ng mga kalaaman tungkol sa pagiging alagad ng sining. Ngunit bago pa ito, naging guro niya ang dating master of ventriloquist na si Jun Urbano na siyang anak ni Manuel Conde.
Pero hanguin muna natin ang kanyang kasaysayan at ilagay sa canvas upang siyang maglarawan ng kanyang kasaysayan sa kanyang buhay.
Ayon sa kanya, noong bata pa siya sa Sampaloc, Manila, ang unang pangarap niya ay maging isang magician at maging chess grandmaster. Noong high school, mahilig na siya sa magic kaya sa ngayon ay nagpe-perform siya sa mga events.
Kumuha siya ng kursong Electrical Engineering at nagtapos sa Mapua. Sabi niyang matagal kung magdo-doktor siya o magpa-pari, kaya engineer na lang, palibhasa gusto niya ng titulo sa pag-aaral.
Nasa kolehiyo siya nang makilala niya si Virgilio S. Almario na isang National Artist for Literature. Ito ang naghubog sa kanya. Kasama ang ilang kaklase niya sa pagtula, binuo nila ang LIRA na grupo ng kabataang makata noong 1985. Kaya naman nahilig siya sa pagsusulat at naging kartunista at editor sa ilang pahayagan tulad ng Abante, Diyaryo Filipino, Lider, Bandera, at iba pa.
“Naging scriptwriter ako sa TODAS, ang TV sitcom dati sa Channel 13. Hindi na ako nagtrabaho bilang engineer dahil nagsusulat na ako. Napasok ako sa advertising agency at nagtrabaho ako bilang copywriter at creative director sa top ad agencies katulad ng McCann-Erickson Philippines, Basic Advertising, FCB, and Publicis-AMA,” dagdag pa niya.
Nang hindi nakuntento ay bumalik siya sa pagpapapet, na siya naman niyang dating hilig. Ang pagpipinta at pagtugtog ng ‘native American flute’ at ‘shakuhachi’ ay hindi niya tinuldukan. Sa ngayon ay patuloy at naghahanda upang mailunsad niya ang ikalawang aklat ng mga tula.
Noong 2001, siya ay pinagkalooban ng pagkilala ng National Commission for Culture and the Arts para sa kanyang galing at kontribusyon sa lokal na sining ng teatro.
Unang ventoriloquist na nagtanghal sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines. Una rin siyang Pinoy na ventriloquist na nagkaroon ng radio talk show sa istasyong NU107 FM kasama ang kanyang puppet. Siya rin ang unang umikot sa bansa upang magturo ng ventriloquism at puppetry sa libu-libong estudyante.
Kabilang sa kanyang mga pagkilala ang pagiging 3rd placer sa International 2008 Axtell Puppet Video Challenge -Ventriloquism Division, na hinusgahan ng ilang mga pinakamahuhusay na ventriloquists at puppeteers sa daigdig kasama ang America’s Got Talent finalist na si Kevin Johnson at Tony Award winner at American TV sitcom classic “SOAP” star Jay Johnson.
Isa ring multi-Palanca award-winning short story writer, playwright, at poet si Ony. Mayroon siyang dalawang libro na nalathala—“Ang Batang Nangarap Maging Isda” (UP Press, 2006), na may koleksyon ng kanyang mga tula, at “Ang Mga Tsismis sa Baryo Silid” (Lampara Books, 2009), na isang aklat na pambata.
Naging interesado sa ventriloquism si Ony dahil sa kilalang showbiz icon na si Jun Urbano, na kilala bilang si Mr. Shooli ng Mongolian Barbeque. Nakatrabaho niya ito sa maraming TV commercials simula noong 1990s. Ipinahiram ni Jun Urbano ang kanyang puppet na si Kiko upang mapagsanayan niya hanggang sa siya ay nahasa na sa ganitong larangan.
Ang buhay nga naman, hangga’t kailangan na maghukay ka ng kaalaman na maaari mong idagdag sa iyong angking pagnanasa upang makamit ito, hindi ka mabibigo. Dahil ang kaalaman, hindi nauubos, maaaring nasa iyong paligid lamang at kailanagan mo lamang magtiyaga at magbungkal.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For inquiries, e-mail: [email protected]; cel. no. 09301457621.
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia