SA PAGBUKAS ng ika-16 na Kongreso, bagito nga ba ang bagong senadora?
Matatandaang noong kasagsagan ng kampanya nitong nakaraang eleksyon ay kabi-kabila ang mga batikos kay Sen. Nancy Binay dahil sa pagiging bagito nito sa pulitika. May mga nagulat sa biglang pagtakbo ni Nancy sa Senado gayong ni hindi man lang ito dumaan sa kahit na anong mababang puwesto sa gobyerno.
Hindi rin sumali si Sen. Nancy sa kahit anong debate. Inisip tuloy ng marami na mahina ang ulo nito. Ngunit hindi rin maituturing na bago si Sen. Nancy sa pasikut-sikot ng pulitika dahil matagal na siyang administrative officer ni Vice President Jejomar Binay. Bahagi siya ng maraming proyektong inilunsad ng opisina ng ama.
Sa kabila ng maraming batikos at paninira, nakuha pa rin ni Sen. Nancy ang pang-anim na puwesto sa Senado.
ANG PAYO ni VP Binay sa kanyang anak ay “study the rules of Senate”. Buong-buo ang paniniwala niya sa anak.
Sa isang panayam kay Sen. Nancy, aminado siyang hindi makapaniwala na magiging katrabaho nito ang iniidolong mga senador gaya nina Sen Miriam Defensor-Santiago at Sen. Enrile. Dagdag pa niya, hihingi rin daw siya ng payo kina Sen. Jinggoy Estrada at Santiago. Ipinagmalaki pa ni Sen. Nancy na malapit na siya kina Sen. Legarda at Villar dahil sa mga pagkakatulad nila ng interes at prinsipyong pinaniniwalaan.
Tamang ugali at propesyonalismo sa trabaho, pagbibi-gay-galang at pagkilala sa mga haligi ng Senado, paglapit sa mga taong kapartido at pinagkakatiwalaan, at pagbuo ng mga kasangga at pagpapalawak ng impluwensya sa Senado. Ang mga unang hakbang na ito ni Sen. Nancy ay kalkulado, pinag-isipan at sa tingin ko ay planado.
Hindi isang bagito at walang alam na pulitiko ang sumasalamin sa kanya kundi isang pulitikong may malalim na layunin.
ANG PAGTAKBO ni Sen. Nancy ay hindi lamang pagsukat sa tiwala ng mga tao kay VP Binay, gaya ng hinala ng maraming tao. Ito’y paglilinis din ng daan para sa kanyang ama sa pagtakbo nito sa pagkapangulo sa eleksyon ng 2016.
Sa pagkakapanalo ni Sen. Nancy sa pang-anim na puwesto, maraming natutunan si VP Binay rito. Isa na ang hindi sapat na hatak at suporta ng mga botante sa pangalang Binay. Dahil dito ay mas kakailanganin ni VP Binay na magpabango ng pangalan sa mga Pilipino. Kung ang kakayahan niya lamang bilang pangalawang pangulo ang aasahan, kukulangin ito. Masyadong limitado ang puwesto ni VP Binay para mapalakas pa niya ang kanyang pangalan. Sa loob ng tatlong taon bilang Pangalawang Pangulo ay hindi rin ito masyadong nakapagtala ng sapat na datos para makasigurado sa kanyang panalo sa 2016. Ang sagot dito ay ang pagsasamahing magagandang trabaho ng 3 Binay sa gobyerno.
Mas masisigurado ni VP Binay ang kanyang panalo sa 2016 kung nandyan si Nancy sa Senado. Kung magiging maingat, masipag at tapat ito sa kanyang tungkulin, mapababango niya nang higit ang pangalang Binay.
Tinanggap ng mga Pilipino nang buong-buo si PNoy hindi dahil sa mga ginawa niya sa Kongreso at Senado. Ang magagandang imahe ng kanyang magulang ang naging kapital niya sa pagkapanalo. Isang mabangong pangalang Aquino sa pulitika ang kanyang naging alas.
Hindi malayong magawa ring pabanguhin ng mga Binay ang pangalan nila. Mayroon silang tatlong taon para gawin ito.
Ang pagpapalakas ng pagkapanalo ni VP Binay ang maaaring mas malalim na layunin ni Sen. Nancy. Tawagin natin itong “Oplan Nancy!”
Shooting Range
Raffy Tulfo