ILANG ARAW na lang ang bibilangin at gaganapin na ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Tila handang-handa na nga talaga ang pamahalaang Aquino para sa malaking kaganapang ito sa Pilipinas. Ang kahandaang ito ay maikukumpara sa isang istiryo tipikal na pamilyang Pilipino sa kulturang ating kinalakihan. Ano nga ba ang ganitong uri ng paghahanda?
Kapansin-pansin naman talaga na sa tuwing may bisitang pandangal lamang natin nararamdaman ang maginhawang buhay na para bang biglang naging maunlad ang ating bansa. Naaalala n’yo pa naman siguro ang naging paghahanda noong unang dumalaw sa atin si President Obama at Pope Francis. Gumanda lahat ng kalsadang kanilang dinaanan. Parang wala nga tayo sa Pilipinas kung madadaanan ang mga kalsadang ito.
Makinis at patag na patag dahil sa paglalatag ng aspalto na alam naman nating pansamantala lamang ang kagandahan nito. Ilang ulan lamang at pagdaan ng mabibigat na truck sa kalsadang ito ay wasak-wasak na agad ang kalsada. Para lamang isang pamilyang pansamantalang naggagayak ng kanilang tahanan dahil may bisitang pandangal na darating. Inilalabas ang mga magagandang gamit na nakatago para makapagyabang sa estado ng kanilang pamumuhay.
TIYAK NA gagawa na naman ng milagro ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mawala ang mga pamilyang pakalat-kalat sa kalsada. Kung noon ay nagpa-outing ang DSWD sa isang magandang resort para mahakot ang mga pakalat-kalat na mga tao sa kalsada, ano naman kaya ang pakulo nila ngayon. Hindi ba umamin ang DSWD na gumastos sila ng ilang milyon para maisagawa ang proyektong ito? Kaya naman mistulang naglaho talaga ang mga batang hamog sa kalsada at mga pamilyang dito nagpapalipas ng gabi, noong dumaan si Pope Francis sa kahabaan ng Roxas Boulevard at iba pang kalsada sa Maynila.
Hindi na siguro tayo magugulat sa susunod na estilo ng pagtatago ng DSWD sa mga maralitang ito. Ngunit hindi na naman ito bago sa ating bansa. Halos ganito rin ang naging estilo noon ng pamahalaan ni Marcos. Itinago rin nila ang mga informal settlers kung tawagin, sa likod ng isang malaking pader na bato, na pininturahan ng magarang imahen ng isang maalwan na tirahan at pamayanan. Sa isang salita ay pagpapakita lamang ito ng isang huwad na katotohanan. Bakit ba kailangang ilihim ng DSWD na hindi nasosolusyunan ang problema sa mga pamilyang walang tahanan at mga batang hamog?
Nahihiya siguro ang pamahalaan sa mga bisitang ito na malaman nilang walang ginagawang permanenteng solusyon ang gobyerno para mawala na talaga ang mga pamilyang walang tirahan sa mga kalsada at para wala na ring makikitang mga batang nagtitinda ng sampaguita o nanlilimos sa kalsada. Malinaw na isang pagkukunwari ang ginagawa ng gobyernong ito sa kabila ng kanilang pangako ng isang matuwid na daan. Matatapos na ang 6 na taong termino nila ngunit patuloy lamang ang panlilinlang ng gobyernong ito sa mga tao na maayos na ang kalagayan ng mga mahihirap.
KUNG IISIPIN nating maigi, bakit nga ba walang pasok ang mga paaralan at ilang opisina rito sa Metro Manila sa panahon ng APEC? Malinaw naman sa ating lahat na walang kinalaman ang pagdedeklara ng walang pasok sa gaganaping APEC. Mas maigi pa sana kung nagdeklara ng walang pasok noong November 2 dahil ito naman talaga ang opisyal na araw ng mga patay sa kalendaryo ng simbahang Katolika. Hindi rin nakauwi ang mga tao sa kani-kanilang mga probinsiya dahil pumatak ang November 2 sa araw ng Lunes na may pasok ayon sa naging desisyon ng gobyerno.
Hindi ba mas may katuturan na ginawang non-working holiday ng gobyerno ang November 2? Ito ay para makapunta ang mga taga-probinsya na nagtatrabaho rito sa Maynila at mga taga-Maynila rin sa mga yumao nilang kamag-anak na nakahimlay sa kani-kanilang probinsya. Kung tunay na nagmamalasakit ang gobyernong ito sa tao ay dapat November 2 ang ginawa nilang walang pasok at hindi ang mga araw na dinaraos ang APEC.
Ang katotohanan ay gusto lamang ng pamahalaang Aquino na mawala ang problema sa traffic sa panahong ginagawa ang APEC dito. Gustong magkunwari ng gobyerno na maganda na ang daloy ng traffic sa Pilipinas taliwas sa ulat na nangunguna ang Pilipinas na may pinakamalubhang problema sa traffic sa buong mundo. Isang huwad na katotohanan na naman. Isang pagkukunwari. Isang pagtatago sa katotohanan na malubha ang problema ng traffic sa bansa. Isang uri na naman ng oplan tago!
GUSTONG MAGPASIKAT lagi ng ating gobyerno sa mga bisitang pandangal. Gustong magmalaki na kunwari ay maayos ang lahat at maunlad ang bansa gaya ng mga karatig-bayan na Taiwan, Hong Kong, at Singapore. Sana lang ay hindi puro yabang at pagpapasikat ang gawin ng gobyerno. Sana ay makatotohanan nilang solusyunan ang mga problema.
Kaya namang tanggalin ang mga batang hamog sa kalasada kung lalagyan ng budget ng pamahalaan ang tulong para rito. Ikulong ang mga magulang na pabaya at sapilitang ilagay sa pangangalaga ng DSWD ang mga batang hamog. Habang lumalaki sila sa kalsada ay lumalaki rin silang mga kriminal. Magiging mas malaki lamang silang problema sa lipunan kung hahayaan silang lumaki sa kalsada.
May tunay na solusyon sa traffic at ito ay pagpapalawak ng kalsada at pagpapatayo ng mga bagong kalsada. Panahon na para magkaroon ng mas maraming fly-over roads at palawakin ang EDSA. Hindi na mapipigilan ang pagdami ng sasakyan dahil parami na rin nang parami ang populasyon ng Pilipinas. Mga konkretong solusyon dapat para sa traffic. Mga konkretong solusyon para sa tunay na pag-unlad at hindi kunwariang solusyon at pagtatago lamang sa mga problema ng bayan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo