Oreta, sisirain ng langaw; at police collectors sa Maynila

MATINO AT WALANG masamang record ang panunungkulan ng mga Oreta sa lungsod ng Malabon.

‘Yan, parekoy, ang ipinagdidiinan ng mga nakakausap natin na nakakaalam ng political career ng mga Oreta.

Mula pa kay Tessie Aquino-Oreta na dating kongresista ng Malabon bago ito naging senadora, at hanggang kina incumbent Mayor Canuto “Tito” Oreta at incumbent Vice Mayor Lenlen Oreta.

Isa lang, ayon sa ating source ang kahinaan ng pamilyang Oreta…

‘Yan, parekoy, ay ang bagay na kapag sila ay nagtiwala ay lubus-lubos!

Gaya na lamang, parekoy, ng tiwala na ibinigay ni Mayor Tito Oreta sa kanyang City Administrator na si Engr. Benjamin Villacorta.

Si Villacorta, parekoy, at ang ilan nitong kasamahan ay kasalukuyang nahaharap sa patung-patong na kaso na isinampa ng isang negosyante kaugnay sa P16.5 milyong piso na niloko umano ng grupo ni Villacorta.

Ayon sa reklamo, kaya nakakuha ang grupo ni Villacorta ng ganu’n kalaking halaga ay dahilan sa pinakitaan umano nitong city administrator ng mga dokumento ukol sa pagbili ng medical equipments!

Bagama’t kasalukuyan pang dinidinig sa Valenzuela Prosecutor’s Office ang kaso ay hindi maiwasan ang kaliwa’t kanang usapin sa city hall ng Malabon.

Dahilan ‘yan, parekoy, sa nasabing mga dokumento kung saan ang pirma ni Mayor Tito Oreta ay pineke umano ng grupo!

Susmaryosep ka naman, Engr. Villacorta, mag-itep-itep ka naman muna bago pumasok sa problema…

Baka nakalimutan mo na hindi ka naman talaga kalabaw!

Langaw ka lang na nakadapo sa likod ng kalabaw!

Kung may malasakit ka ay ‘wag mo namang sirain ang magandang imahen at pundasyon ng kalabaw na iyong dinadapuan!

TINATAWAGAN NATIN ANG pansin ni Manila Mayor Fred Lim hinggil dito sa pangungulekta umano ng mismong mga pulis sa lahat ng uri ng iligalista sa Maynila.

Kaya sila nakaka-kulekta, parekoy, ay dahil sa sila raw ang bagman/collector ng kanilang mga hepe.

Kaya nga nararapat lang na paimbestigahan sila pati na ang kanilang mga hepe.

Sa listahang ipinadala sa atin ng isa ring pulis, narito ang kanilang mga pangalan: Station 1 – P02 Juano; Station 2 – P02 Villareal; Station 3 – P03 Pornillos; Station 4 – Palma; Station 5 – P02 Rosario; Station 6 – SP01 Robles; Station 7 – P01 Zhornack at SP04 Sandoval; Station 8 – P03 Tatco; Station 9 – P03 Quiambao; Station 10 – SP01 Ventura; Station 11 – P02 Blanco; at ang nagpapakilalang bagman daw ni Gen. Roberto Rongavilla na si Ver Navarro.

Next issue, parekoy, ang halagang inire-remit umano sa kanilang hepe!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articlePanayam kay DFA spokesman Hernandez
Next articleBuhay-talangka

No posts to display