NASA HIGH ELEMENT si Oskar Peralta nang humaharap sa entertainment press. First time kasi niyang magpa-pocket presscon para suportahan ang kaibigang si Fanny Serrano na bida sa pelikulang Tarima with Rocky Salumbides, Gloria Romero at Rustica Carpio na idinirek ni Neal ‘Buboy’ Tan. Tuwing may project si TF, TV man ito o pelikula, palaging nasa isip niyang isama sa cast ang pamosong designer kung babagay rin lang ‘yung role sa kanya.
Hindi malilimutan ni Oskar ang classic episode na Sinturon ng MMK, kung saan una silang nagkasama nina Fanny at Gabby Concepcion na isinulat ni Ronald C. Carballo at idinirek ni Joel Lamangan. Naging stage actor din siya sa Tagalog version ng Dog Day Afternoon with Ricky Davao and Ernie Garcia. Hinangaan ang galing niya sa pag-arte kaya nasundan agad ito ng Around The World with Leo Rabago at Andre Soriano sa direksiyon ni George Vail Kabristante.
Nang mabasa ni Fanny ang script, agad niyang sinabi kay Direk Buboy na si Oskar ang perfect for the role as Olga. Isang matandang bakla (75 years old) na tumanda na sa kulungan, walang kamag-anak na mauuwian at pagtitinda ng sigarilyo ang naging libangan. Ang naging problema nina TF at Direk, paano nila sasabihin sa fashion icon na kailangan nitong mangtanggal ng wig tuwing kukunan siya ng eksena sa loob ng Manila City Jail?
Walang kaalam-alam sina Fanny at Direk Buboy na pinag-aaralang mabuti ni Oskar ang character ni Olga. “Gusto kong ma-surprise sila pagdating ko sa set, hindi nila ako makikilala. Nag-isip ako, why not take-off my wig? So, tinanggal ko ang wig ko, humarap ako sa salamin. Sabi ko, this is Olga, hindi sila makapaniwala, ‘yun ang eksaktong look ni Olga na hinahanap nilang talaga.Pagdating ko sa shooting, hindi ako nakilala nina TF at Direk, naloka-loka sila sa nakita nilang hitsura ko!Itong 75 years old na si Olga, ‘yun ang image na gusto kong makita ng manonood,” pahayag ni Tito Oskar.
Bukod sa Tarima kasama rin si Oskar sa cast ng Magkaribal, as the best friend of Robert Arevalo who also plays a gay designer. Nang mapanood siya ng kanyang mga relatives abroad sa nasabing teleserye, agad daw nagtawagan ang mga ito. “Palibhasa top-rating show ang Magkaribal kaya marami ang nakapanood sa akin. Magandang exposure ‘yun para sa akin, makatutulong para magkaroon uli ako ng project,” masayang sabi ni Tito O.
Inamin ni Oskar na malaki ang naging bahagi niya sa showbiz career ni Bea Alonzo. Na-discover ang dalaga sa isang beauty contest sa Pasig kung saan nag-judge ang batikang designer. “Ako ang nag-convience kay Archie Ilagan (best friend ni Oskar at dating manager ni Bea) na tulungan si Bea, dahil ang beauty niya, pang-artista. Hindi naman kami nabigo, naging isang malaking artista si Bea,” aniya.
Nu’ng time na nagsisimula si Bea sa showbiz, todo-supporta si Oskar, halos lahat ng pangangailangan ng dalaga ibinibigay. Nand’yan pagamit ang sasakyan with driver sa shooting, taping, personal appearances, etc. Bukod dito, ginagawan pa si Bea ng iba’t ibang gown for special occasion na dinadaluhan ng magaling na actress.
Ang nakalulungkot lang, nang sumikat si Bea, hindi man lang niya naalalang kumustahin (birthday, Christmas at New Year, wiz makaalala) si Oskar na minsang nakatulong sa kanya. Kahit ganu’n ang nangyari, walang hinanakit o tampo ito sa dalagang actress. Mabait naman daw ang Nanay ni Bea, dinadalhan siya ng ‘mani’ nito sa bahay niya noong-araw.
Masaya si Oskar sa mga blessing na dumarating ngayon kay Bea. Kabila’t kanan ba naman ang mga product endorsements plus soap at pelikula, winner talaga! ‘Yun nga lang, winner naman si Oskar Peralta sa kanyang mga tunay na kaibigan!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield