NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Irereklamo ko lang ang mga parking attendant ng Manila City Hall lalo na ang mga naka-assign sa Roxas Boulevard. Pag-park pa lang ng sasakyan ay sisingilin ka ng P70.00 hanggang P100.00, pero ang nakalagay sa resibo nila ay P30.00 lang for the first 3 hours at plus P20.00/hour for the succeeding hours kung lalagpas ka ng tatlong oras. Baka hindi alam ng Manila City Hall ang ginagawa ng kanilang tauhan.
Sana po ay matulungan n’yo po kami sa malalang traffic sa aming lugar sa Pasig City. Wala naman pong ginagawang aksyon ang mga opisyal dito sa amin. Isa sa mga nagdudulot ng traffic dito ay ang mga illegal parking na nagpapalala talaga ng sitwasyon.
Concerned citizen lang po ako, reklamo iyong kalsada namin dito sa PNR site sa Western Bicutan, Taguig. Matagal na po kasing maputik na ang kalsada kahit walang ulan. Paano po kaya ngayon na tag-ulan na, wala po talaga kasing aksyon ang kinauukulan dito. Sawa na po kami sa puro pangako.
Panawagan ko lang po sa kinauukulan sa Aliaga, Nueva Ecija dahil iyong daan sa Brgy. Bucot, Sitio Pulo ay sira-sira. Maraming nahuhulog sa bukid dahil walang ilaw ang daan. Sana po ay makalampag ninyo ang mga kinauukulan para gumawa sila ng aksyon. Salamat po.
Problema po sa aming lugar sa Daang Tubo along C.P. Garcia, malapit sa UP Town Center ang masikip na daanan lalo na kapag hapon dahil halos ang mga nagtitinda sa aming lugar ay sinakop na ang daanan kasama na ang mga nakaparadang motor. Dati ay nagkaroon ng road widening dito sa amin, just in case na magkasunog ay makadaan agad ang sasakyan ng bumbero, pero mukhang nakalimot ang mga tao sa amin. Sana po ay makalampag n’yo ang aming barangay upang matulungan n’yo kami sa bagay na ito.
Gusto ko lang pong ilapit sa inyo itong daan sa Barangay Vigaan, Sipocot, Camarines Sur ay ilang taon na kaming nagtitiis sa putikan. Putul-putol ang pagka-semento. Problema po namin iyon lalo na ngayong tag-ulan. Kawawa naman ang mga mag-aaral dahil bago makarating sa paaralan ay putikan na po.
Irereklamo lang po namin ang aming treasurer sa kadahilanang ang tagal ng sahod ng mga tanod dito sa aming barangay. Nakakaawa po ang mga tanod na P300.00 na nga lang po ang sasahurin ay minsan inaabot pa ng ika-20 o ika-25 ng buwan samantalang a-kinse ang sahod nila.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo