I SA AKONG OPISYAL ng isang manning agency na nagpapabiyahe ng mga seaman. Palagi kaming tumatanggap ng mga reklamo tungkol sa pagbabayad ng overtime pay. Ayon sa ilang seaman, marapat lamang na tumanggap sila ng overtime pay dahil hindi naman sila bumababa ng barko kahit tapos na ang trabaho nila sa barko. Sa tingin naman ng aming kumpanya, dapat lamang bayaran ng overtime pay ang isang marino kung nagtrabaho siya nang higit sa walong oras. Ano po ba ang tama? — Vivencio ng Manila
TOTOO NA KAHIT pa tapos na ang trabaho ng isang seafarer, hindi siya bumababa sa barko hanggang hindi lumulunsad ito. Pero hindi ibig sabihin nito ay patuloy ang trabaho niya habang siya ay nasa barko. Kailangang patunayan ng marino na patuloy niyang ginagawa ang kanyang trabaho nang higit sa walong oras na dapat niyang
ipagtrabaho. Kung hindi niya ito mapatunayan, hindi siya tatanggap ng overtime. Tama ang interpretasyon ng inyong kumpanya.
AKO AY MAGTATRABAHO sa Middle East. Nang tingnan ko ang kontrata, napansin ko na ang sahod na aking tatanggapin ay mas mataas nang kaunti kaysa ating minimum wage dito sa Pilipinas. Pero ayon naman sa aking mga kakilala na nagtatrabaho sa bansang pupuntahan ko, mas mataas daw ang minimum wage doon kaysa minimum wage dito. Ang dapat daw tanggaping kong sahod ay hindi bababa sa minimum wage sa nasabing bansa kahit pa mas mataas ito sa minimum wage sa Pilipinas. Nang kausapin ko ang recruitment agency tungkol dito, sabi nito’y matuwa na raw ako’t mas mataas ang sasahurin ko kaysa rito. Anong minimum wage ang dapat kong lagdaan sa kontrata—ang minimum wage dito o minimum wage doon? — Nards ng Parañaque City
KUNG ANO ANG mas mataas sa dalawa ay iyon ang sahod na dapat mong tanggapin. Kaya, kung mas mataas ang minimum wage sa bansang pupuntahan mo, iyon ang dapat na suwelduhin mo. Isinasaad ng batas na ang dapat tanggaping sahod ng isang OFW ay kung ano ang mataas na minimum.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo