HINDI NAPASAKAMAY NI Vice-President-elect Jejomar Binay ang Deparment of Interior and Local Government (DILG), matapos na ihayag ni President-elect Benigno “Noynoy” Aquino III kahapon sa isang news conference na siya mismo ang tatayong kalihim ng nasabing departamento, kasabay ng pagiging Pangulo niya ng bansa.
Sa nasabi ring news conference pinangalanan ni P-Noy ang mga miyembro ng kanyang Gabinete na magiging kalihim ng iba’t ibang departmante sa kanyang administrasyon.
Sinabi ni P-Noy na pansamantala lang niyang pamumunua ang DILG hanggang sa makita niya ang tamang tao na hahalili sa kanya. Sinabi niyang dalawang tao ang pinagpipilian niya.
Nauna rito, pitong pangalan ang pinagpipilian ni P-Noy, kabilang na riot si Naga mayor Jessie Robredo, masugid na kaalyado ni P-Noy sa Liberal Party.
Ayon kay P-Noy, ang DILG ay isang “very important department” dahil lahat ng mga programa ng gobyerno ay isasagawa sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ni P-Noy na bamaga’t wala pa siyang nakikitang tao na lubos niyang pagkakatiwalaan para sa posisyon, wala siyang ibang pagkakatiwalaang humawak sa puwesto kundi ang kanyang sarili.
Nang matanong kung ibig bang sabihin niyon na wala siyang lubos na pagtitiwala kay Binay, sinabi ni P-Noy na hindi niya inalok ang posisyon sa kanyang bise-presidente.
“Sorry, wala kaming away ni Jojo (Binay),” aniya.
Kabilang sa nasasakupan ng DILG ang Philippine National Police (PNP), the Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at ang Philippine Public Safety College.
Pinoy Parazzi News Service