ISANG OPISYAL ng Quezon City Police District (QCPD) ang personal na lumapit sa inyong lingkod noong Martes ng gabi, April 16, 2013, para hilingin na tulungan ang kanyang boss na si QCPD District Director Colonel Richard Albano.
Matapos niyang maihayag sa akin ang kanyang pakay, agad kong tinanong sa kanya kung bakit ‘di na lang siya dumiretso kay Albano at personal na i-report sa kanya ang mga sinabi niya sa akin.
“Alam mo pare, kapag sinabi ko ito kay Sir baka mayari pa ako. “Eh bakit naman? “Kasi madali naman nilang i-deny, at mas paniniwalaan niya sila kaysa sa akin,” ang mabilis niyang sagot. Bakit mo nasabi? “Ang isa kasi sa kanila ay sobrang malapit kay Sir noong araw pang madestino si Sir sa Baguio,” ang kanya namang balik sa aking tanong.
Bakit hindi mo subukan, malay mo matuwa pa sa iyo si Col. Albano dahil matutulungan mo siyang mahinto ang paggagasgas sa kanyang pangalan ng wala siyang kaalam-alam? “Oo nga pare, eh paano naman kung talagang may go signal sila kay Sir?”, ang halos pabulong na tanong naman niya sa akin.
ANG SADYA ng paglapit sa akin ng nasabing opisyal ay tungkol sa kumakalat na balita sa gambling community sa Quezon City hinggil sa naganap na bidding para sa mabibigyan ng eksklusibong pahintulot sa pangongolekta ng protection money sa pangkalahatan sa buong Kyusi kamakailan.
Ang nanalo raw sa nasabing bidding ay ang nagngangalang Castro – siya ang sinasabi ng source na sobrang malapit umano kay Albano. Ang nagpanalo raw kay Castro ay ang kanyang highest bid na P1.2 million weekly tong collection para sa lahat ng pasugalan at bisyo sa Quezon City lalo na sa Jueteng. Ang nasabing halaga ay mapupunta raw sa QCPD.
Ang kagrupo raw ni Castro sa pangongolekta ay ang mga nagngangalang Kilala – isang dating pulis, at Clyde na taga-Pangasinan.
Isang nagngangalang Bueno – na kilala sa night club community – ang bagong binigyan daw ng grupo ni Castro na magbola ng Jueteng sa buong Kyusi. Ito ay bukod pa sa isang Jueteng lord na gumagamit ng alyas na “Tony Santos” na dati na ring nabigyan ng pahintulot. Pero 60% daw ng Kyusi territory ay napunta kay Bueno samantalang 40% naman ang napunta kay Santos.
Pero hindi raw katulad ni Santos na tanging Jueteng lamang ang kanyang nililinya, si Bueno raw ay financier din ng mga lotteng, peryahan, saklaan, tupadahan, video karera at prostitution house sa buong Kyusi.
ANG PANGALAN daw ni Albano ang ginagamit ng grupo ni Castro sa pangongolekta para sa QCPD. Pero noong Miyerkules, April 17, 2013, kinapanayam ko sa programang Wanted Sa Radyo si Albano at ipinarating ko sa kanya ang paggagasgas sa kanyang pangalan ng grupo ni Castro.
Mariing itinanggi ni Albano na kakilala niya sina Castro maliban lang kay Kilala na ang pagkakaalam niya ay isang dating pulis-Maynila raw. Mariin ding itinanggi ni Albano na pinahihintulutan niya ang anumang uri ng sugal sa Kyusi. Kasunod noon, nangako si Albano na paiimbestigahan niya ang nasabing impormasyon.
ANG WANTED Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41. Ang inyong lingkod ay mapapanood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm, at tuwing Sabado sa Aksyon Weekend news, 6:30-7:00pm, sa TV5 pa rin.
Para sa inyong sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo