TALAMAK NGAYON ang mga manloloko – ito man ay panloloko sa presyo sa mga tindahan, sa pekeng pera, sa scam at iba pa, lalo na’t kadadaan pa lamang ng Pasko at Bagong Taon. At para magkaroon sila ng instant money, nagagawa nilang manloko ng kapwa para sa kanilang pansari-ling kapakanan at interes.
Dumulog sa WANTED SA RADYO ang isang babae na itago na lamang natin sa pangalang “Mel” na nagoyo matapos siyang kaibiganin ng isang seaman kuno. Isang araw ay may nakipagkaibigan dito kay Mel sa pamamagitan ng e-mail at sinabing isa siyang seaman sa United Kingdom at papunta siya ng Pakistan. Agad namang gumaan ang loob ni Mel dito sa seaman na ito lalo na’t sinabi niyang bibigyan niya si Mel ng mga mamahaling gamit. Aba’y sino nga naman ang hindi matutuwa kung bibigyan ka ng Samsung camera, Channel, Gucci at Hermes na bag, cellphone, iPhone, imported na chocolates, teddy bear at bulaklak na walang hinihinging anumang kapalit. Para ngang nililigawan ni Seaman itong si Mel sa mga ipinakitang mga ireregalo sa kanya.
Disyembre 19 ng taong 2012 nang inihulog daw ni Seaman ang mga padalang mga gamit kay Mel gamit ang Global Courier International. Agad namang tinignan ni Mel ang tracking number sa website ng Global Courier at nakumpirma niyang naroon na ang kanyang package na nakapangalan na sa kanya. Disyembre 22 ng taong 2012 inaasahan ni Mel ang pagdating ng kanyang package ngunit isang tawag lang ang kanyang natanggap mula sa Bureau of Customs sa Davao at sinabing naroon na ang kanyang package ngunit hindi nabayaran ni Seaman ang tax ng package. Kung kaya’t hiningan ni Gloria San Jose, na isang pekeng empleyado ng Bureau of Customs sa Davao, ng P12,500 itong si Mel para makuha na niya ang kanyang package. Agad namang nagpadala si Mel ng pera sa taong ito para makuha niya na ang ipinadala ni Seaman sa kanya.
At dito na nga mangyayari ang kamalasan, pagkatapos makuha ang pera ng taong sinasabing siya ay taga-Customs ay bigla na lang itong mawawala, kasabay na ang pagkawala ng iyong kaibigan sa e-mail.
Ito ay isa lamang sa napakamaraming modus operandi ng mga kawatan ngayon at nais ko kayong paalalahanan na mahirap ang magtiwala sa kung sinu-sino lamang, lalo na at hindi n’yo siya personal na kakilala. Magaling na ngayon ang mga manloloko, kayang-kaya na nilang gumawa ng mga website para agad mapaniwala ang kanilang magogoyo. Nawa’y maging aral ito sa mga taong mahilig gumamit ng mga social media platforms gaya ng Facebook at Twitter. Kahit ang e-mail ngayon ay hindi na ganoon ka-secure dahil marami nang paraan ang mga manloloko para malaman ang iyong e-mail address at doon na kukunin ang inyong loob.
Naniniwala ako na kung walang magpapaloko ay walang maloloko. Kaya’t dapat lamang tayong mag-ingat sa ating mga hakbang pati na rin sa mga taong nakapaligid sa atin.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0949-4616064.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo