BUMALIKTAD ANG ISA sa limang testigo sa kasong pagnanakaw laban sa komedyanteng vice-mayor na si Herbert BautistA, kapalit ng tatlumpung libong piso (P30,000) at trabaho sa Vice-Mayor’s Office ng Quezon City.
Ito ang ipinahayag ni Carlos ‘Caloy’ De Leon, ang nagdemanda kay Bistek ng qualified theft dahil ninakaw umano ng vice-mayor ang mahigit milyong pisong tarpaulin printing machine nito kasabay ng kanyang pagsasampa ng reklamong perjury o pagsisinungaling ngayong araw laban kay Bernald D. Beleson, ang bumaliktad na testigo ng nauna.
Ayon kay De Leon, nauna nang nagparating sa kanya ng impormasyon si Beleson na inaalok siya ng tatlumpung libong piso (P30,000) at trabaho at maging ang kanyang ina na may sakit ay ipagagamot umano ng komedyanteng vice-mayor.
Sinabi pa ni Beleson kay De Leon na mismong ang komedyanteng si Bistek ang nag-alok sa kanila ng tulong kapalit ng kanyang pagbaliktad.
Personal na hiniling pa ni Bistek kay Beleson na idawit si Mike Defensor sa nasabing kaso ng pagnanakaw laban sa kanya.
Pinagsisinungaling pa umano ang bumaliktad na ngang testigo na sabihin ding kinidnap siya ni De Leon, dating kasamahan ng komedyanteng si Bistek sa Kaluskos-Musmos, at kung maaari ay idamay rin si Defensor sa kidnapping case.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Quezon City mayoralty candidate Mike Defensor ang akusasyon ni Bistek na siya ang nasa likod ng demandang pagnanakaw laban sa kanya.
Ayon sa kampo ni Defensor, mahigpit ang bilin ng kumakandidatong alkalde na ‘wag gamitin sa pulitika ang isyu ng pagnanakaw laban kay Bistek.
Kasabay nito, pinasinungalingan naman ni De Leon ang inimbentong salaysay na idinadawit ng bata ni Bistek si Defensor na siya umanong nasa likod ng kasong pagnanakaw laban sa kanya.
“Kayo man ang nakawan ng makina para sa inyong hanap-buhay, gagawin n’yo rin ang hakbang na ginawa ko. Pati ang bahay sa Batangas na pag-aari ng aking biyenan, pilit nilang ibinibintang kay Defensor,” pahayag pa ni De Leon.
“Maging ang isang condominium sa Teresa Tower na pag-aari ni Konsehal Ariel Inton, idinamay rin sa pagsisinungaling ni Beleson,” dagdag pa ni De Leon. (Parazzi Reportorial Team)