SINO BA naman ang hindi pa nakakikilala kay Kuya German Moreno? Sa haba ng kanyang inilagi sa mundo ng pinilakang tabing ay nasubaybayan na niya ang maraming taong sumikat at nalaos sa pagiging artista. Napapanahon din lagi si Kuya Germs kung tawagin ng marami. Hindi lang mga matatandang artista ang malapit sa kanya kundi maging ang mga batang artista sa panahon ngayon. Hindi kasi tumigil si Kuya Germs sa pagde-develop at pag-discover ng mga bagong artista sa kasalukuyang henerasyon.
Sa pagpanaw ni Kuya Germs nitong nakaraang Biyernes ay isang haligi na naman ng Philippine showbiz ang nawala. Gaya nina Fernando Poe Jr., Dolphy, at iba pang mga pumanaw na beteranong actor, malaking kawalan ang beteranong actor na si Kuya Germs sa mundo ng pelikula sa ating bansa. Wala kasing gaya ni German Moreno na patuloy ang pagtulong sa mga baguhang artista gamit ang kanyang programa sa TV. Hindi na mabilang sa dami ang mga artistang tinulungan at pinasikat niya. Mula pa noon sa kanyang pang-lingguhang programa na GMA Supershow, afternoon youth-oriented show na That’s Entertainment at ang kasalukuyang pang-gabihang variety-entertainment show na “Walang Tulugan”, napakaraming artista ang dumaan sa pangangalaga ni Kuya Germs.
Marapat lang na bigyang-pagpupugay si Kuya Germs sa kanyang malaking ambag sa kultura ng pelikula at mga pagtatanghal sa ating bansa. Inaasahan kong hindi ito ipagkakait ng pamahalaan at ng Cultural Center of the Philippines kay Kuya Germs. Natitiyak kong hindi makalilimutan ng mga Pilipino ang taong ito dahil sa mga kabutihang nagawa niya sa kanyang mga kapwa, artista man o hindi. Maraming salamat sa ‘yo, Mr. German Moreno.
PAALAM NA rin sa kontraktuwalisasyon dahil sa wakas ay naisabatas na rin ang pagbabawal sa mga contractual workers sa Pilipinas. Salamat sa mga mambabatas na nagsulong nito. Ang mga ganitong batas ang dapat pinagtutuunan ng Senado at Kongreso ng panahon. Marami pang mga batas na gaya nito ang kailangan pa ng ating mga manggagawa. Matagal nang panahon kasi na marami sa ating mga ordinaryong manggagawa ang alipin ng pagiging isang contractual worker. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila umuunlad at nananatiling mahirap hanggang sa kanilang pagtanda.
Ang pagbabawal sa contractual workers ay tiyak na magpapalakas sa kabuhayan ng maraming mga Pilipino. Sana ay suportahan ito ng maraming mamumuhunan at malalaking kompanya sa ating bayan. Hindi kasi makatarungan na habang inihahandog ng mga manggagawang ito ang kanilang buhay sa trabaho ay hindi naman nila natatanggap ang mga benepisyong dapat ay para sa kanila dahil sa pananatiling contractual workers.
Napakahirap ding mawalan ng trabaho tuwing pagtapos ng ika-anim na buwan na kadalasang haba ng pagiging isang contractual worker. Ang ibang kompanya ay may polisiyang hindi ka na maaaring matanggap muli sa parehong kompanya pagkatapos ng iyong 6 na buwang kontrata. Ngayon ay mawawakasan na ang ganitong kalupitan sa ating mgaordinaryong mangagawa. Maraming mga pamilya ang matutulungan ng batas na ito.
MAGPAPAALAM NA rin at matatapos na ang administrasyong Aquino sa taong ito. Sa loob ng anim na taon ay may masasama at mabubuting mga bagay rin naman ang dumating sa ating bansa. Nand’yan na ang mga trahedya gaya ng madugong hostage-taking sa Luneta, Mamasapano massacre, at malalakas na bagyong nagpahirap sa marami nating kababayan. Tumaas din naman ang ating international credit rating at maraming mamumuhunan ang nagtiwala sa ating bansa. Tumaas din ang ating GNP (Gross National Product), GDP (Gross Domestic Product), at PPP (Purchasing Power Parity) nang hindi bababa sa 40% kung susumahin ang lahat ng paglago.
Patapos na rin ang maliligayang araw ng mga abusadong inilagay ni Pangulong Aquino sa gobyerno. Matatapos na rin ang paghihirap ng mga Pilipino sa kamay nila. Kaya lang ay marami sa mga ito ang nagbabalak na tumakbo ngayong eleksyon. Sana lang ay hindi magpadala ang mga kababayan natin sa mga mapanlinlang nilang mga political ad na madalas nating mapanood sa telebisyon. Tiyak na mag-aabuso lang ang mga ‘yan sa puwesto.
Magpapaalam na rin ang ating binatang Pangulo sa isang mapanghamon na posisyon bilang pangulo ng bansa. Baka ito na rin ang bagong pagkakataon para siya ay makapag-asawa at makabuo ng kanyang sariling pamilya. Sa pagpapaalam na ito ng ating Pangulo ay siya namang pagbubukas ng pinto sa isang bagong pangulo. Kaya dapat nating siguraduhing makahanap ng isang mapagkakatiwalaan at mahusay na pinuno ng bansa.
ANG PAGSISIMULA ng taon ay pagpapaalam din sa maraming bagay. Pagpapaalam sa ating mga pansariling kamalian, bisyo at hindi mabuting mga gawi. Nagpapaalam tayo sa mga bagay na hindi nakatutulong sa ating pag-unlad at pagiging mabuting tao. Pagpapaalam sa mga bagay na dapat na iwanan upang tayo ay muling makabangon sa pagkakadapa at gaya ng sabi ng marami, ang maka-“move-on” na sa buhay.
May mga bagay rin na mabuti ngunit kailangan nang mamaalam upang mag-silbing puwang upang tayo naman ay magpakita rin ng ating ambag sa kabutihan. Mga bagay na magaganda ngunit may hangganan at katapusan. Matatapos ang mga bagay na ito ngunit magsisimula naman ang isang bagong pangarap at pag-asa para sa atin. Paalam na 2015.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo