IKA-13 NG Pebrero, Biyernes, tuluyan nang inanunsyo ang pag-shut down sa darating na Marso 31 ng pinakaminamahal na online game ng mga Filipino gamers, ang Ragnarok Online. Masasabi ngang kamalasan at kalungkutan sa Friday the 13th ang pagkawala ng laro na halos bumuo ng childhood ng mga kabataang Pinoy. Ngayon mapapasama na lang sa Timehop at Throwback Thursday posts ang memorya ng Ragnarok Online.
Bago pa nagkaroon ng Candy Crush, Plants vs Zombies, 2048, Clash of Clans at Flappy Bird, nauna nang magkaroon ng Ragnarok Online, isa sa pinakatumatak na laro sa kasaysayan ng Philippine games. Ito rin ang kauna-unahang online game na nilaro nang Massive Multi-player Online Role Playing Game o MMORPG dito sa bansa. Lahat ng mga bagets, may sari-sariling kuwento ng kasiyahan sa paglalaro ng Ragnarok Online.
Hindi makalilimutan ng solid Ragnarok Online Gamers ang War of Emperium o WoE. Ito ay ang clan war ng Ragnarok Online. Ang layunin ng clan war na ito ay sirain ang crystal sa isang castle na tinatawag na Agit para masakop ito. Darating ang pagkakataon na kalaban mo ay 100 tao sa pagsakop nito. Ikaw naman, nagpapaka-martir sa pagsira at pagsakop nito para sa ikatataguyod ng iyong guild na kinabibilangan.
Nagkaroroon ka pa ng mga bagong kaibigan at nakabubuo ng bagong tropa sa tuwing naghahanda sa papalapit na WoE. Kulang na lang nirentahan n’yo ang buong computer shop upang magtipun-tipon at pag-usapan ang pagbuo ng plano at strategies para matalo ang mga kalaban at masakop ang Agit.
Ragnarok Online ang nagpatunay na ang larong ito ay hindi dapat minamaliit. Hindi rin ito isang uri ng kaadikan gaya ng iniisip ng karamihan dahil sa nasabing laro, napag-isa ang virtual world at real world. Naging magkakaibigan ang mga manlalaro online sa tunay na buhay dahil sila ay nagkakakitaan upang pag-usapan ang mga susunod na istratehiya na gagawin.
Alam natin na sa panahon ngayon, naging isang lehitimong kumpetisyon hindi lang dito sa atin kundi pati sa ibang bansa ang DoTA. May mga Filipino gamers tayo na lumalahok sa nasabing kumpetisyon at nakukuha pa ang unang puwesto. Alam n’yo bang karamihan sa mga pambato ng Pilipinas sa DoTA competitions ay nagsimula sa paglalaro ng Ragnarok Online. Kumbaga, nagsilbing training ground at dito nahasa nang husto mismo ang angking talino at galing sa paglaro ng online games gaya ng DoTA.
Sa Ragnarok Online mo rin naranasan ang pagka-scam sa unang beses. Sa lahat ng MMORPG games gaya ng DoTA, talamak ang scamming pero hinding-hindi mo makalilimutan ang unang beses na ikaw ay nadale sa scam at nangyari ito sa paglalaro ng Ragnarok Online. Naging solid fan ka rin talaga ng Ragnarok kung naging kolektor ka na rin ng mga real life merchandise ng nasabing online game. Pero ngayon, matatawag mo na lang itong memorabilia dahil magpapaalam na ang Ragnarok Online sa susunod na buwan. Taong 2003 nang magsimula ang Ragnarok Online sa bansa, sa loob ng halos 12 na taon, kay raming alaala ang iiwan sa atin ng Ragnarok Online.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo