BAGO PA maghari sa mundo ng mobile phones ang Samsung at Apple, nariyan na ang Nokia. Paniguradong malaking tatak ang naiwan ng Nokia sa puso ng lahat ng mga kabataan. Nakita natin ang pag-usbong ng Nokia mula sa 5110 na de-antenna hanggang sa Nokia Lumia. At kung tao lang ang Nokia, puwede na rin nating masabi na nakita niya rin ang pagdadalaga at pagbibinata ng mga bagets na nasa henerasyon ngayon. Kaya, lahat ay paniguradong nalungkot nang mabalitaan na nitong nakaraan lamang na ang pinakamamahal nating cellphone brand na Nokia ay nagpaalam na.
Sino ba naman ang makalilimot sa mga kakaibang karanasan na sadyang Nokia lang ang nakapagbigay? Batang Nokia ka kung naging in sa iyo noon ang 5110. Ang cellphone na malaki man at makapal, kinagiliwan pa rin ng lahat. Lalo na ang antenna nito. Saan ka pa? Parang cordless lang na landline phone ang dating.
Paano pa kaya ang 3210? Nang malaos ang 5110, dumating naman agad ang 3210 para isalba ang Nokia. ‘Di rin nito nabigo ang mga tao dahil sa pagkakataong iyon. Mas slim na ito kumpara sa 5110. At kapag may 3210 ka, malamang sa malamang nakikipagpataasan ka ng High Score sa larong Snake. Hindi rin nagtagal, ipinanganak naman si 3310. Aba, sabi nga sa kasabihan “chubby is the new sexy.” Ang maliit na matabang phone na ito ay sumikat nang husto. Kasabay rin ng pagsikat nito ay ang pagiging trending ng larong Space Impact.
Kinalaunan, dumating naman si 1100. Ang cellphone na maliit man at manipis ay huwag mong mamaliitin. Dahil ang 1100 na ito ay minahal dahil sa flashlight na taglay nito.
Makalipas ang ilang taon, naging colored na rin ang mobile phones na handog ng Nokia. Sinimulan din nito ang paglulunsad ng series phones. Nauna na riyan ang N Series phones. Ang pinakasumikat sa N Series ay ang N73. Ito ang bestselling sa lahat ng N series. At dahil sa lakas ng demand, agad namang nasundan ang N Series. Dumating naman ang E Series o executive series. Kaya ito itinawag na E series dahil binansagan ang Nokia phones na ito bilang “business oriented smartphones”.
Hindi naman natapos ang series sa E series dahil agad naman ito nasundan ng X series o tinatawag na Xpress series phones. Bakit Xpress? Ito ay dahil dinisenyo ang mga ito para sa mga bagets users ng Nokia. Mas binigyang focus ang mga apps na para sa social entertainment. Isa ring tumatak na aspeto ng X series phones ng Nokia ay ang Xpress music nito.
Matapos ang X series, sino ba naman makalilimot sa napaka-cute na querty phones ng Nokia, ang C series. Pinakasumikat dito ang C3. Naging plus factor din sa mga bagets ang matitingkad na kulay ng C3. Hindi naman diyan natapos ang serye ng Nokia. Nagpatuloy pa rin ito hanggang sa umabot sa Lumia, ang kanilang huling series devices.
Nakalulungkot, wala na ang tumatak sa atin na Nokia. Dapat na rin siguro nating ikatuwa dahil puwede naman nating isipin na pangalan lamang ang nawala. O ‘di kaya sabihin na lang natin na magle-level up nang husto si Nokia dahil matapos ang buwan na ito, ang ating dating Nokia ay tatawagin nang Microsoft at handa nang makipagsabayan sa Samsung at Apple.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo