SABI NILA ang mga pelikula ay mga pantasya lamang. Kapag sinabing pantasya, malayo itong mangyari sa tunay na buhay gaya na lamang ng mga pelikulang may temang pag-ibig. Kadalasan kasi, masyadong perpekto ang nagiging takbo ng istorya. Ang bidang babae rito ay mala-prinsesa na tipo bang kahit pinahihirapan ng mga kontra-bida ang buhay niya, kahit maraming pagsubok ang pagdaanan niya, may isa pa ring prinsipe ang darating at handang sagipin siya sa mga paghihirap na kanyang dinadanas. Ganyan ang mga pangkaraniwan na love story na ating napapanood sa sinehan. Pero para bang nagiging malapit na sa katotohanan ang mga pelikulang ipinapalabas ngayon kaya naman ang mga bagets ay ‘di na makapaghintay mapanood ang mga ito. Kung minsan pa nga, trailer pa lang, naiiyak na sila, paano pa kaya kung buong palabas na? Paano pa kaya kung napanood n’yo na ang If I Stay at What If?
Ang If I Stay ay isang nobela na isinulat ni Gayle Forman. Isinalin ito sa pelikula at nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa darating na August 22. Ito ay nasa direksyon ni R.J. Cutler at pagbibidahan ni Chloe Grace Moretz.
Ang istorya ng pelikula ay umiikot sa character ni Mia Hall isang ordinaryong high school student. Paano ba namumuhay ang isang bagets na gaya ni Mia? Simple lang, normal lang kagaya ng iba. May mapagmahal siyang pamilya. Napapalibutan din siya ng masasayang kaibigan. At may kasintahan din siya na nagpapakilig sa kanya araw-araw.
Hanggang dumating ang isang araw, nabangga ang sinasakyan nilang kotse. Namatay ang kanyang mga magulang. Sila na lang ng kanyang kapatid na lalaki ang buhay. Ngunit, siya ay nasa estado ng commatose. Dito na nagsimula ang kanyang kalbaryo. Sa pamagat pa lang, If I Stay, malalaman na natin na nahihirapan si Mia na magdesisyon kung bibitaw na ba siya sa buhay o ipipilit niya pa ring mangyari ang mga bagay-bagay? Parang ang mga kabataan lang, takot na takot bumitaw sa nakasanayan sa madaling salita, nahihirapan silang mag-let go. Sa bagay hindi naman talaga madaling iwanan ang mga pagkakataon na nagpasaya sa iyo. Subalit, ang lahat naman ay may hangganan. Sabi nga nila, lahat ng kasiyahan ay may katapusan din pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na ito mapapalitan ng bagong karanasan.
Ang pelikulang What If naman ay pinagbibidahan nina Daniel Radcliffe bilang Wallace at Zoe Kazan bilang Chantry. Ito ay nasa direksyon ni Michael Dowse at kasalukuyang ipinapalabas na sa mga sinehan. Kung ang If I Stay ay may istorya na may kabigatan sa pakiramdamdam, ang What If naman ay kabaligtaran pero parehong nararanasan ng mga ordinaryong bagets. Sila Chantry at Wallace ay nagkakilala lang sa party at doon na nagsimula ang lahat.
Si Wallace ay laging bigo sa pag-ibig habang si Chantry naman ay nasa isang long-term relationship. Naging magkaibigan silang dalawa. Lagi silang magkasama at umabot pa sa puntong mas gusto pa nila kasama ang isa’t isa kaysa sa iba. Kahit si Chantry, kung minsan, mas pinipili niya pang samahan si Wallace kaysa sa kanyang kasintahan. Ngunit, dumating na rin sa punto na nahulog na ang loob nila sa isa’t isa pero pilit nilang itinatago ito. Dine-deny nila lagi ito pero gaya nga sa totoong buhay, kapag lalong dini-deny, mas lalong nagkakatotoo. Paniguradong relate na relate ang mga bagets sa istoryang ito. Marami sa kanila ang naiipit sa ganitong sitwasyon kung ile-let go ba ang pagkakaibigan para magbigay daan isang relasyong namumuo o ibabalewala ang samahan para lang maiwasan ang ma-in love sa kaibigan?
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo