SUNOD SA Pasko at Bagong Taon, summer o tag-init na nga siguro ang pinakamasayang panahon para sa mga kabataan ngayon. Kung sa Pasko at Bagong taon, pagsasama-sama ng mga pamilya ang pinakaaabangan. Samahan mo pa ng pagbibigayan ng mga regalo at masasarap na kainan pang salu-salo. Ang summer naman ay ang masasayang activities ang kinapananabikan ng mga bagets.
Sa halos dalawang buwan mong bakasyon, paano mo nga ba ito mae-enjoy? Narito ang aking mga suhestiyon na paniguradong susulit ng tag-init ninyo!
Ice skating
Ice skating na nga ang isa sa masasayang dapat gawin ngayong summer. Bukod sa papawi ito ng init ng panahon, paniguradong hindi pa nito sasayangin ang oras mo. Magandang gawin ito kapag kasama ang barkada o ang pamilya. Dito sa Maynila, SM Mall of Asia at SM Megamall ka puwedeng magtungo para ma-experience ang ice skating thrill. Dito ka makakikita na natutumba na nga, nagkakasiyahan pa. Saan ka pa?
Magbenta ng summer merienda
Sabi nila, ang isa sa pinakamahirap pagdaanan kapag bakasyon ay ang pagiging NBSB. Hindi ito No Boyfriend Since Birth mga kaibigan. Ang NBSB na usung-uso kapag tag-init ay ang No Baon Since Bakasyon. Kaya para hindi maranasan ang nakakalugmok na pangyayari na ito sa buhay ng bagets. Magandang gawin ay gumawa ng mga palamig, ice candy, halo-halo, ice tubig at mga merienda tulad ng fishball, kikiam, squid ball, French fries at ibenta ito sa presyong tapat. O ‘di ba? Bukod sa nagiging produktibo ang bakasyon mo, kumikita ka pa.
Magsaya sa Eco Park
Wala pang milya-milya ang layo sa kabihasnan. Hindi kinakailangan na lumuwas ng Maynila para makapangisda, mag-picnic, mag-zipline, mamundok, mamangka, at mag-swimming. Kahit nasa Quezon City ka lang, puwedeng-puwede mo na magawa ang mga ‘yan. Saan pa nga ba? Wala nang iba kundi sa Eco Park. Kung gusto mong makatipid pero sulit na kasiyahan ngayong bakasyon, Eco Park na nga ang sagot diyan. Dalhin ang pamilya at kaibigan dito. Kapag residente ng Quezon City, may discount pa.
Nuvali Adventure
Sa mahihilig diyan sa extreme water sports tulad ng wake boarding pero kulang ang budget para pamasahe papuntang Camarines Sur sa Bicol, worry no more! Dahil ang wake boarding na ang lumalapit sa inyo. Mga isa o hanggang dalawang oras na biyahe mula sa Maynila, makararating ka na sa Nuvali. Dito mo puwedeng gawin ang iyong pinakapananabikan na wake boarding. Puwede mo na rin itong sabayan ng swimming doon. Sa halagang P250.00 per hour solve na solve na sa wake boarding experience. Kung hindi pa sulit sa iyo ‘yun, eh ‘di mag-unlimited wake boarding ka sa halagang 1,000 pesos. Ayan, mag-one to sawa ka pa.
Swimming Outing
Malamang sa malamang, hindi p’wedeng mawala sa listahan ang swimming outing ngayong tag-init. Kahit ma-sunburn pa, ayos lang ‘yan. Basta may tan line ka naman. ‘Yan ang tatak summer! Ito na ‘yata ang activity na tiyak kukumpleto sa summer n’yo lalo na ng mga bagets.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo