Dear Atty. Acosta,
NASENTENSYAHAN PO ang aking kapatid ng pagkakakulong mula 12 taon hanggang 20 taon sa salang Illegal Possession of Dangerous Drugs. Dalawang taon na po siyang nakakulong sa Muntinlupa ngayon. Mayroon po ba kaming magagawa upang mababaan ang kanyang sentensya upang siya ay makalaya agad?
Rosemarie
Dear Rosemarie,
KARANIWANG ANG mga nakapiit sa Pambansang Piitan sa Muntinlupa ay mga taong kung saan ang kanilang mga kaso ay pinal na. Gayunpaman, may mga pagkakataong ang kanilang mga kaso ay nakaapela at dinidinig pa ng Kataas-taasang Hukuman. Maaari pang mabago ang desisyon o hatol ng mga kasong nakabinbin sa ating Kataas-taasang Hukuman batay sa kanilang muling pag-aaral o pagtingin sa kaso. Maaari silang magsagawa ng modipikasyon sa hatol gaya ng pagbaba o pagtaas ng haba ng pagkakakulong. Mayroon ding pagkakataon na napapawalang-sala ang isang akusado o inaayunan lamang ang naging desisyon ng Mababang Hukuman.
Kung ang kaso ng iyong kapatid ay kasalukuyang nakaapela, mayroon pang posibilidad na mapababa ang kanyang hatol ayon sa pagtitimbang ng ating Kataaas-taasang Hukuman. Ngunit kung ang kanyang kaso ay matagal nang naging pinal, maaari siyang makalaya nang mas maaga sa kanyang sentensya kung siya ay mabibigyan ng parole. Ito ay ang kondisyonal na pagpapalaya ng isang bilanggo mula sa kanyang piitan. Upang makapaghain ng aplikasyon para sa parole, kinakailangang natapos na niya ang minimum ng kanyang hatol na labingdalawang (12) taon. Kinakailangan ding wala sa kanya ang alinman sa mga diskuwalipikasyon na isinasaad sa Section 2 ng Republic Act No. 4103 o mas kilala sa Indeterminate Sentence Law.
Ang parole ay hindi isang karapatan, bagkus, isa lamang itong pribilehiyo na ibinibigay sa mga bilanggo na nagtataglay ng mga kuwalipikasyon at walang anumang diskuwalipikasyon na hinihingi ng batas. Ilan sa mga gabay ng BPP sa paggawad ng parole ay ang mga sumusunod: 1. antas ng rehabilitasyon ng isang bilanggo o ang kanyang naging ugali at gawain habang nakakulong; 2. dating criminal record ng bilangggo, kung mayroon man, at ang posibleng maging banta o paggganti nito sa biktima at mga saksi ng krimen na kanyang ginawa pati na rin sa kani-kanilang pamilya o sa pangkalahatang publiko; 3. ang bigat ng krimen at ang paraan kung paano ito isinagawa; 4. katibayan na magkakaroon ang bilanggo ng matutuluyan at marangal na trabaho paglabas; 5. edad ng bilanggo at ang pagkakaroon ng mangangalaga sa kanya kung siya ay matanda na o may mabigat na karamdaman o disabilidad/kapansanan.
Kapag ang iyong kapatid ay napagkalooban ng parole, maaari na siyang makalaya sa bilangguan nang hindi na kailangan pang tapusin ang kabuuan ng kanyang sentensya.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta