“Laki ako sa baryo
Ako’y sadyang promdi
Promdi probins
At hindi nga prom da city
Sanay sa simple at mabagal na buhay”
- Regine Velasquez-Alcasid, “Promdi”
SA PERA Tips column natin ngayon, tatalakayin natin ang ilan sa mga success secrets ng isang sikat na promdi – si Elena Lim.
Si Elena Lim ay ipinanganak sa isang mahirap na pamilya sa Leyte noong 1930. Sa kasawiang palad, namatay ang kanyang ama noong siya ay 3 years old pa lamang at ang kaniyang ina ang nagsilbing padre de pamilya. Lima ang kapatid ni Elena at ang pinagkakabuhayan nila ay ang paggagawa at pagbebenta ng mga sapatos at tsinelas.
Ang buong pamamaraan kung paano na-transform ni Elena ang kanyang sarili mula sa isang mahirap na promdi sa pagiging co-founder at CEO ng Solid Group of Companies, isang conglomerate na involved sa electronics, agriculture, land development, trading, atpb., ay naisiwalat niya sa librong sinulat niya na “BUSINESS IN THE REAL WORLD”. Maganda ang libro na ito dahil marami tayong mapupulot na success principles na ginamit ni Elena sa bawa’t estado ng kanyang buhay at ng kanyang mga negosyo.
Ito ay iilan lamang sa mga habits o principles ni Elena na puwede nating pakinabangan:
- MATUTONG MANGOLEKTA NG UTANG – Bata pa lang si Elena noong siya ay inutusan ng kanyang nanay na mangolekta ng utang sa mga kliyente nila. Sa experience na ito nalaman ni Elena na mahirap palang sumingil ng utang, pero ito ay isang skill na dapat matutunan ng isang negosyante. Maaaring malaki nga ang benta mo, pero kung hindi ka marunong mangolekta ng utang ay mamamatay ang negsyo mo sa kakulangan ng cash. Dahil dito, natutunan ni Elena na maging pursigido sa paniningil at maunawain sa mga kliyente.
- ALAMIN KUNG MERONG MGA JUNK NA PUWEDENG PAGKAKITAAN – Ang kaunaunahang business na sinimulan ni Elena ay ang parentahan ng komiks. Meron siyang mayaman na kaklase na meron mga lumang komiks na balak na niyang itapon. Hinimok ni Elena na ibigay na lang sa kanya ang mga ito para sa kanyang business at pumayag naman ang kanyang kaklase kaya nagkaroon siya ng stock para iparenta. Merong kasabihan sa English na “one man’s garbage is another man’s treasure.” Tumingin din tayo sa ating kapaligiran. Meron bang mga bagay-bagay na itinatapon na lang na maaari nating i-recycle at pagkakitaan? Maliban sa mga bote at dyaryo, minsan ay meron din mga collectibles na puwedeng ibenta. Sina Eireen at Angelo Bernardo na nagtatag ng online store na “Dekada Collectibles” ay nagka-buena mano sa pagbebenta ng mga lumang bote ng coke sa E-bay.
- MAGING MALIKHAIN – Ang mga komiks na nabili ni Elena Lim sa kanyang mayamang kaklase ay nasa wikang Ingles at marami siyang mga customer na hindi marunong magbasa ng English. Dahil dito, ikinuwento ni Elena ang mga komiks sa wikang Waray na may kasamang sound effects at live action pa! Makalipas ang ilang taon, noong naging CEO na si Elena, nabanggit niya na ‘yung kanyang pagda-drama ng mga komiks, nakatulong sa kanyang mga multi-media presentation skills na ginagamit niya sa kanyang mga corporate presentations.
- MAHALIN ANG PAG-AARAL – Bagama’t busy si Elena sa negosyo at eventually pag-aasikaso ng kanyang pamilya, ay pinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa night school. Sa night school nakatapos siya ng AB Education at MA in English. Naka-2 years din siya sa Medisina, pero hindi niya ito natapos. Kumuha rin siya ng Law, nakapasa ng bar at naging isang abogado. Ayon kay Elena, marami siyang natutunan sa night school na nagagamit niya hindi lang sa kanyang negosyo, pero ganun din sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Maraming pagbabago ang nangyayari sa ating merkado at para maging competitive bilang isang negosyante o isang empleyado, kailangan nating magkaroon ng continuous education katulad ni Elena para maging competitive.
- MAGHANAP NG TAMANG BUSINESS PARTNER – Masuwerte si Elena at nakatagpo siya ng kanyang katapat sa negosyo at sa personal na buhay – ang kanyang naging asawa na si Joseph Lim. Katulad ni Elena, si Joseph ay nagsimula rin sa ibaba. Si Joseph ay isang ahente ng isang glass store na eventually naging sales manager. Sa librong PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY, ilinahad ko at ng co-author ko na si Eric Go Serate ang mga tips kung paano naghanap ng tamang partner para sa iyong mga negosyo.
___________________________________________
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Serate Ferrer