TALAGA PO. Peskman! Meron po ako talagang kakilala na isang pulubi na yumaman!
Bagama’t hindi ko nalalaman kung merong sasakyan, condo, etc. ang pulubi na ito na sumakabilang buhay na, ang nasisigurado ko ay kumikita siya noon ng P2,000 kada araw ‘pag may pasukan sa La Salle. Take note, mas malaki pa ang kita ng pulubi na kesa arawan na kita ng madaming professor sa La Salle! Sa aking pananaw, maituturing ko na na “rich” ang pulubi na ito.
Sa September 15, 2015 column ng pera tips at tinalakay natin ang “diskarte” ng pagyaman ng mga dayuhang Intsik sa Chinatown at Divisoria kahit wala silang pera at kahit hindi sila marunong mag-English o mag-Filipino. Sa kasalukuyang column, tatalakayin naman natin ang kakaibang diskarte ni Mang Jenny – ang pinakasikat na pulubi ng La Salle.
Nakalulungkot isipin, pero marami sa ating mga kababayan ay mga pulubi. Umaasa lamang sa limos. Kesyo hindi sila nakapag-aral, kesyo wala silang pera, kesyo wala silang talento, kesyo wala silang kakilalang mayaman o maimpluewensiya na tao na maaring tumulong sa kanila. Kaya sa munting kaisipan nila, wala na silang paraan para kumita kung hindi umasa na lamang sa simpatiya ng ibang tao na maawa sa kanila at magbibigay na lang ng pera, pagkain, damit, o kung ano man ang kailangan nila.
Alam n’yo po ang “mind set” ng isang pulubi ay hindi lang nakikita sa mga salat sa pera. Pero maniwala kayo o hindi, meron ding “pulubi mind set” na ito sa mga mayayaman. Alam ko ‘yan dahil mayroon akong mga kakilalang “rich kids” na may mind-set na ganito.
Ang tingin nila sa sarili nila ay wala silang kakayahan, so aasa na lang sila sa simpatiya ng kanilang mga mayayaman na magulang o kamag-anak na sasalba sa kanila. Maski sa eskuwelahan, umaasa rin sila sa simpatiya ng mga matatalino nilang mga kakalase na magpapakopya ng mga assignment at test answers nila para sila ay makapasa. Sa aking pananaw, maituturing ko na “poor” ang mga “rich kids” na ito.
Ngayon balikan natin si Mang Jenny. Bagama’t pulubi siya sa tunay na buhay, meron siyang “rich o negosyante mindset”. Ang kanyang pangunahing layunin ay maglingkod, at dahil maganda ang kanyang customer service ay ganadong magbigay ng malalaking tip ang kanyang mga customer – ang mga estudyante ng La Salle.
Paano nagawa ni Mang Jenny ito? Eto ang kanyang formula:
- Una, kinaibigan niya ang mga guard sa La Salle. Kinaibigan din niya ang mga guard sa mga food establishment na malalapit para meron siyang mapaggagamitan ng CR at libreng pagkain paminsan-minsan.
- Dahil kilala niya ang mga guard, kapag may nakawan sa area, tumutulong din siya sa paghanap ng salarin at marami rin siyang natulungan na mga estudyante na na i-snatch-an ng cellphone, laptop, wallet, etc.
- Nang makaibigan niya ang mga guard ng La Salle, ini-interview niya sila sa mga importanteng mga impormasyon na kelangang malaman ng mga estudyante ng La Salle katulad ng schedule ng examinations, release of grades, cancellation of classes, etc.
- Base sa impormasyon na nakalap ni Mang Jenny sa mga guard, kapag may nakita siyang mga estudyante, pinagsisilbihan niya muna ang mga ito bilang unofficial information desk officer o concierge ng La Salle.
- Pinapayungan din niya ang mga babaeng estudyante kapag sila ay tumatawid para hindi maarawan ang kanilang maselan na kutis; isang bagay na kinatutuwa nila dahil mas romantiko pa sa Mang Jenny sa gesture na ito kung ikukumpara sa kanilang mga mayaman pero torpe na mga boyfriend.
- Sa mga estudyante na kelangan ng survey sa kanilang mga thesis, tumutulong si Mang Jenny sa pagbigay ng survey sa mga estudyante na nakatambay sa labas.
- At sa mga estudyante na nakatambay sa labas na mukhang problemadosa pag-ibig, pamilya, etc. ay nagbibigay pa si Mang Jenny ng advice.
- Ito at marami pang ibang uri ng serbisyo ang ibinibigay ni Mang Jenny sa mga estudyante ng La Salle kaya maluwag din ang pagpapaunlak ng mga Lasalista sa paglilingkod sa kanila ni Mang Jenny.
Nabalitaan ko na nailathala ang kakaibang serbisiyo ni Mang Jenny sa pahayagan ng La Salle nang ilang beses. Ginawa pa siyang thesis. Sa Internet, i-type n’yo lang po ang “Jenny from La Salle” at makakakita kayo ng mga larawan, video, at article kay Mang Jenny noong siya ay nabubuhay pa. Narinig ko din na balak isumite ang kuwento ni Mang Jenny sa “Maalaala Mo Kaya”. Maganda nga siguro na maibunyag ang kanyang kuwento, kasi marami tayong kababayan na salat sa buhay ang siguradong mai-insipire sa buhay ng pulubi na ito na gumamit ng “diskarte” para maging “rich”.
________________
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Serate Ferrer