Paano Yumaman ang Isang Senior Citizen?

Joel-Serate-FerrerSA NAKARAANG isyu ng PERA TIPS, pinag-usapan natin ang “3 stages of life”, kung saan sa wastong paggamit ng pera, energy at time ay puwede tayong yumaman sa tamang panahon. Kaso, paano kung hindi natin ginamit ang ating pera, energy, at time nang tama? Paano kung senior citizen na tayo at wala pa rin tayong naipundar? Meron pa bang pag-asa? Opo!

Sa column na ito ay tatalakayin natin ang buhay ni Col. Harland Sanders, isang Amerikanong senior citizen na nagtatag ng Kentucky Fried Chicken o KFC.

Si Harland Sanders ay isang grade school dropout na nagtrabaho sa sari-saring low paying jobs katulad ng konduktor ng streetcar, pintor ng “buggy”, ahente ng insurance, trabahador sa riles, etc. Kumuha siya ng correspondence course sa pagiging abogado at nang nagtapos siya at naging abogado, sa kasawiang palad ay hindi rin siya yumaman dito.

Isa sa mga hobby at talent ni Sanders ay ang pagluluto, pero ni minsan hindi niya naisip na pagkakitaan ito until nag-decision siya na magbukas ng isang maliit na restaurant nung siya ay 39 years old na. Makalipas ang 10 taon ng pag-re-restaurant, unti-unting naimbento ni Sanders ang formula ng KFC sa pagluto ng fried chicken. Dahil dito, dumami ang customer ni Sanders. Mas natuwa siya nang malaman niya na ang gobyerno ay may balak na gumawa ng isang national highway sa tapat ng kainan niya. Kaso, nagbago ang ihip ng hangin. Sa isang malayong lugar natuloy ang highway, at dahil dito, napilitan si Sanders na ibenta ang kanyang naluluging restaurant.

66 years old na si Sanders noong ibinenta niya ang kaisa-isang source of income niya. Mas nayamot pa siya nang malaman niya na ang pension ng isang senior citizen katulad niya ay hindi sapat para tugunan ang kanyang pamilya.

Imbis na magmukmok si Sanders sa kanyang kamalasan sa buhay, hinimok niya ang kanyang sarili para gumawa ng paraan para yumaman.

Linagay niya ang kanyang mga cooking equipment sa kanyang sasakyan at sinubukan niyang ialok ang kanyang fried chicken recipe sa mga negosyante sa Utah. Wala siyang pera nung panahong iyon kaya madalas sa kotse niya na rin siya natutulog.

Sa loob ng 2 taon, nagbunga rin ang sipag at tiyaga ni Lolo Sanders nang makakuha siya ng 5 franchises ng KFC. Noong 1960, nung siya ay 70 years old, meron na siyang 200 KFC na outlets. Dahil wala nang masyadong energy ang isang senior citizen para patakbuhin ang 200 outlets, nagdesisyon si Sanders na ibenta ang kanyang KFC franchise sa isang magaling at batang negosyante. Sa magaling na pamamalakad ng negosyanteng ito ay nakakuha ng 9,400 outlets ang KFC na may reported sales na 7 billion US dollars nung 1995.

‘Eto ang ilang tips na mapupulot natin kay Col. Sanders na puwedeng gamitin ng ilang senior citizen para yumaman:

  1. Meron ba kayong talento katulad ng culinary skills ni Col. Sanders na puwede niyong pagkakitaan? Kung meron, baka puwede niyong subukan na gawing itong maliit na business.
  2. Kung kayo ay namasukan, meron ba kayong mga skill na na-develop sa dati n’yong kumpanya na maaari n’yong gamitin sa inyong business? Katulad in Col. Sanders, nahasa ang kanyang sales skills sa pagiging ahente ng insurance at ito ay nagamit niya sa pag-aalok sa mga negosyante na kumuha ng KFC franchise niya.
  3. Kung may potential na umunlad ang iyong business, meron ba kayong mga kamag-anak, kaibigan o kakilala (KKK) na maaaring tumulong sa inyo sa business na ito? Dahil senior citizen na si Sanders, humingi siya ng tulong sa isang mas batang negosyante para palakihin ang kanyang business. Bilang senior citizen, baka meron kayong mga maabilidad na anak o apo na puwedeng tumulong sa paglago ng business n’yo.

Katulad ni Sanders, ang mga senior citizen natin ay puwede pa ring maging mga produktibong mamamayan kung mabibigyan lang natin sila ng tamang pagkakataon at orientation. Dapat natin silang pangalagaan dahil kasama pa rin sila sa human resources ng ating bansa na makatutulong sa ating pag-unlad.

_______________­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­­______________________________

Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.

Pera Tips
by Joel Serate Ferrer

Previous articleThe Road to the Final 4
Next articleAng Panahon ng Patayan: Undas at Eleksyon!

No posts to display