Paano yumaman kahit hindi ka “Rich?

Joel-Serate-FerrerMERONG ISANG libro sa National Bookstore na ang pamagat ay “Bakit Di ako Rich?” Malamang marami sa ating mga kababayan, kapag itinanong ito sa kanila, ang kanilang sagot ay “hindi”. Ayon sa datos ng Wikipedia, 27.9% ng mga Pilipino ay nasa ilalim ng “poverty line” kung saan ay ang pangunahing sukatan ay pera.

Pero ang pera ay iisang uri lamang ng yaman. Marami pa tayong ibang resources na kung ating gagamitn nang tama ay maaaring tumugon sa sari-sari nating mga pangangalianan.

Halimbawa na riyan ay ang mga recyclable items katulad ng bote, diyaryo, plastic bottles, etc. na puwede nating ipunin at ibenta. Ganu’n din ang ilan sa ating mga segunda mano na mga gadgets, appliances, furniture, etc. na maaari nating ibenta sa OLX, Ayos Dito, at iba pang mga tanyag na online na tindahan.

Maliban sa mga recyclable at second hand goods, sa article na ito ay tatalakayin natin ang tatlong pinakamahalagang likas na kayamanan ng bawa’t Pilipino na puwede nating gamitin para kumita ng pera:

  1. Kakayahan/Skill at Talento – Ang isang empleyado, o negosyante, ay binabayaran dahil sa kanyang likas na kakayahan na kelangan sa ating merkado. Kung medyo hirap tayong maghanap ng trabaho, maaari nating gamitin ang ating kakayahan/skill at talento para mamasukan sa isang “part-time job” o ‘di kaya para tayo ay magtayo ng isang negosyo. Halimbawa, kung ikaw ay magaling kumanta, maaari kang kumita bilang wedding singer. Kung ikaw naman ay magaling magluto, maaari kang mag-catering o magbukas ng isang karinderya.
  2. Social Network – Ang social network ay ang kayamanan natin base sa mga taong kakilala natin. Nand’yan ang mga kakilala natin na puwedeng magbigay ng job referral, puwedeng maging customer at puwedeng gumabay sa atin sa pag-develop ng ating mga kakayahan. Maliban sa mga kamag-anak, nand’yan din ‘yung mga kaklase at kaeskwuela natin, kabarangay, kasimbahan, at kaopisina. Dahil sa makabagong teknolohiya, ang social network natin ay maaari nating pakinabangan nang lubusan sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, Linkedin, at iba pang mga online social networks. Kapag tayo ay nasa cybercafé, imbis na maglaro ng games, dalawin natin paminsan-minsan ang “chat section” sa Facebook para makita natin kung sino sa mga kakilala natin na online ang puwede nating i-message at hingian ng tulong.
  3. Diskarte – Ito ay ang abilidad o kakayahan ng isang tao na magtagumpay sa pamamagitan ng kanyang sariling pamamaraan. Ang pagiging“street smart” o may kakayanan na makipagsapalaran sa ordinaryo at kadalasang masalimuot na realidad ng buhay ay isa pa sa mga kahulugan ng salitang “diskarte”.

Meron akong kuwento sa “diskarte” ng mga dayuhang Chinese sa Pilipinas na yumayaman kahit hindi sila marunong mag-Ingles o mag-Filipino.

Una, nakapupunta sa Pilipinas ang mga dayuhang Chinese sa pamamagitan ng kanilang mga kakilala; kahit malayong kamag-anak o kaibigan ay maaari nilang lapitan para hingian ng tulong. Katulad ng marami nating mga kababayan na nasa mahihirap na probinsya, madami rin sa mga dayuhang Chinese ay lumuluwas din papunta sa mga siyudad ng Pilipinas dahil mahirap ang buhay sa kanilang mga lungsod sa China.

Ngayon, pagdating ng mga Chinese dito, ang mga kapwa Chinese na kakilala nila ang magbibigay sa kanila ng imbentaryo ng mga paninda para mabenta nila. Dahil wala silang pera, ang mga paninda na ito ay binibigay sa kanila nang consignment.

Para sa kanilang mga customer, mga Chinese din ang kanilang mga mamimili!

Pagmasdan n’yo, dahil sa kanilang diskarte, sipag at tiyaga, ang Chinese banketa vendor ay unti-unting magkakaroon ng isang stall, at ang stall ay magiging regular na tindahan. Pagkalipas ng ilang taon, ang tindahan ay magiging grocery at baka maging department store pa katulad ng SM!

Mantakin n’yo ang tanging puhunan lang para kumita ng mga hindi “rich” na dayuhang Chinese na ito ay ang kanilang mga kakilalang Chinese, ang kanilang kaalaman ng pagsasalita ng Chinese at konting diskarte sa pangangalakal.

Kung ang kaalaman ng Chinese language at kailalalang mga Chinese lang ang tanging puhnan ng dayuhang Chinese sa Pilipinas para yumaman, e ‘di hamak naman na mas malaki ang potensyal ng bawat Pilipino na yumaman dahil mas marami tayong puwedeng lapitan at hingian ng tulong dahil sa ating kaalaman ng Pilipino at Ingles!

—————————————-

Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.

Pera Tips
by Joel Serate Ferrer

Previous articleBattle for the Solo First
Next articleCarmageddon

No posts to display