Pacman, Jinkee at Aling Dionesia

NATURALMENTE. SA ARAW ng paglaban muli ni Manny Pacquiao sa Nobyembre ay titigil ang pag-ikot ng mundo ng sambayanang Pilipino. Walang kurapan. Lahat ng mata – paslit, matanda, mahirap at mayaman – nakatutok sa TV screens. Hihiyaw. Titili. Magsususuntok sa hangin. Dahil siguradong mananalo muli ang ating boxing champ, ang mahirap na bansang Pinoy ay sasabog sa pagdiriwang. Maghahanda ng confetti para sa usual welcome parade. Gagayakan ang Quiapo Church para sa kanyang bisitang pasasalamat. At sa Gen San, isang maghapong kainan, inuman at pagdiriwang.  Wow!

Naturalmente. Isang katutak na pulitiko ang babati muli kay Pacquiao, kasama rito si Pangulong Noynoy. Mga peryodiko, puno na naman ng congratulatory ads. Maaaring may mapabalita na namang may inatake sa puso dahil sa excitement.

Ngunit pagkalipas ng ilang araw, iikot na muli ang ating mundo. Ang mundo ng mahihirap na halos isang beses lang kumain isang araw. Ang mundo ng mayayaman na abalang-abala sa pagkamal pa ng maraming salapi.

Samantala, si Pacquiao ay magsu-swimming sa kanyang super luxurious Forbes mansion. At pagkatapos, maaaring magpunta at magpatalo ng ilang milyon sa casino at sabong. Samantala, si Jinkee at Aling Dionesia ay panay ang labas sa TV para ipagmalaki ang binili nilang milyong halagang bag, alahas at sapatos.

Mabuhay si Manny! Ngunit habang humihiyaw, pumapadyak at sumasayaw sa pagbati sa isang Filipino champ, hindi ko maalis na kahabagan sa hindi maipaliwanag na dahilan ang ating mahirap na bayan. Hindi ito naturalmente.

DATING, ALIS, ANG mga administrasyon subalit ang isang sugat sa pisngi ng Kamaynilaan ay hindi malapatan ng hilom: hanay ng mga matanda at batang pulu-bing naglipana at nagpapalimos sa mga kalye halos araw at gabi.

Tuwing alas-7:00 ng umaga, dalawang 6 x 6 truck ang namamataan na lulan ang mga kahabag-habag na nilalang at dinidiskarga sila sa iba’t ibang sulok ng kalye sa Metro Manila. Paglalim ng araw, sila ay susunduin muli ng mga nasabing truck at dadalhin sa isang safe house sa Quezon City upang likumin ng sindikato ang mga baryang napalimusan. Ang mga walang nalimos ay pinarurusahan at ‘di pinakakain. Ang maraming nalimos ay binubusog.

Tinik sa kunsensiya. Ngunit wala tayong pakialam. Nasaan ang mga ahensiya ng gobyerno na dapat sumugpo sa sindikato na galing pa yata sa pinakamainit na lugar ng impyerno. Wala tayong pakialam sapagkat kumportable tayo sa ating mga tahanan, nag-e-enjoy tayo sa ating weekend shopping sa mga malls, palaki na nang palaki ang naiipon ng iba sa kanilang bangko at kumakain tayo ng mahigit sa tatlong beses sa isang araw.

Tinik sa kunsensiya.

 

Quip of the Week

Tanong: “Bakit ayaw ni Erap na mabuhay pa nang hanggang 100 taon?”

Sagot: “Ayaw niyang matawag na isang taong may dalang dalawang century eggs.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBoomerang kay Calixto at dacne ng QC
Next articleKarapatan ng taong ‘under custodial investigation’ sa anak

No posts to display